Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Dahil Ayaw Ko

Bakit nga ba may mga taong sadyang Hindi marunong umintindi sa damdamin ng iba? Bakit kaya may mga taong ayaw tanggapin na hindi lahat ng tao ay pareho-pareho ng gusto.?

Noong nag-paalam ako sa trabahong pinapasukan ko ng mahigit kumulang na 4 na taon dito sa Canada para sa mag-aral sa Universidad ng Manitoba, para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan. Kasi pagdating pa lang namin dito gustong-gusto ko ng bumalik sa pag-aaral, pero siempre nag-uumpisa palang kami dito, sino ba naman ang mag tutulung-tulungan kung hindi kaming mag-aanak. Wala namang kaso yun, basta para sa pamilya ko wala akong reklamo. Pero hindi parin maibsan ang tuwa ko ng noong medyo nakaluwag na kami ng bahagya at puede na akong mag-aral muli.

Hindi ko pa sigurado noon kung anong kursong kukunin ko. Ang ilan sa mga pinagpipilian ko ay Sikolohiya, Antropolohiya o Sosyolohiya.

Pinairal ko ang tibok ng puso ko sa kauna-unahang panahon, Sikolohiya ang kinuha ko.

Siempre, masaya sa para sa akin ang mga magulang ko, pati na ang mga kapatid ko. Pero ang nakakadismaya lang kasi ang reaksiyon ng ibang tao.

Hindi ako ang tipo ng taong nabubuhay para sa ikakasaya ng ibang tao. Hindi ko ugali ang mag-palapad ng papel. Hindi ko pinangarap umikot ang mundo ko base sa pag-aapruba ng iba. Pero sino ba naman ang hindi maiinis sa ganito...

Eksena sa trabaho:

Ako: "Huling linggo ko na ngayon, babalik na ako sa iskwelahan."
Sila: "O, talaga, e ano na naman ang kukunin mo?"
Ako: "Psychology"
Sila: "Ano naman ang mapapala mo doon, bakit hindi ka na lang mag-nars?"

May napapala ho ako sa kursong kinukukuha ko, at ayoko ko hong maging nurse.

Eksena sa parlor:

Manggugupit: "E ano naman ang ginagawa mo ngayon? Nagtatrabaho ka ba?"
Ako: "Ah, hindi na, pumapasok na kasi ako ulit sa U of M."
Manggugupit: "Ano naman ang kurso mo?"
Ako: "Psychology, gusto ko kasing mag doktor."
Manggugupit: "Ano yun manghuhula ka? Doktora ang tawag sa gumagamot sa mga baliw, hindi Psychologist."

Um, baka ho naman Psychic yung tinutukoy ninyo. Hayaan nyo huhulaan ko kayo pag naggraduate na ako.

Eksena sa Kalye:

Ako: "Uy, kumusta ka na?"
Sila: "Mabuti naman, e ikaw kumusta?"
Ako: "Eto, medyo busy sa school, pero mabuti naman ako."
Sila: "Ano kasi ang kinukuha mo?"
Ako: "Psychology."
Sila: "Naku, sana nag-nars ka na lang. Kita mo yung pamangkin ko ang laki-laki na ng sweldo ngayon."

Hindi ho ako yung pamangkin nyo, at hindi lang ho mga nurses ang tumatanggap ng malaking sweldo.

Eksena sa Telepono:
Kuya: "Bakit naman Psychology ang kinukuha mo? Mag nurse ka na lang."
Ako: "No offense sa iyo (at pati na rin sa lahat ng mga nurses sa buong mundo), pero ayaw ko talaga."
Kuya: "Masasanay ka rin. Kita mo naman ang dami daming opportunities na available sa mga nurses. "

Aggh. Kuya, mahal kita at alam kong kapakanan mo lang ang iniisip ko pero uunahan na kita, sa susunod na babanggitin mo pa iyan, ipapasa ko na ang telepono sa Nanay ko.

Unang una, wala akong masamang pagtingin sa mga nurses. Kahanga-hanga pa nga sila kung tutuusin at mas madalas, hindi sila nabibigyan ng karampatang rekognasyon. Mas pagod pa nga sila sa mga Doktor, pero marami sa atin ang turing sa mga nurse, mga alalay lang ng mga doktor. Marami akong mga pinsan at mga kakilalang mga nurse o nagnanais maging nurse. Inirerespeto ko ng buong puso ang kanilang propesyon.

Pero, kaya ko rin namang palaguin ang sarili ko-- intelektwal man o pinansiyal-- kahit hindi ako maging kagaya nila. "Defensive" daw ako, pero maraming patutunguan ang mga nagtapos sa kursong binabalakid ko.

Nasa pagnanasang mapaunlad ang sarili ng isang tao nakasalalay ang pag-unlad nito bilang isang manggagamot, mang-aawit, mananayaw o kahit na ng isang manghuhula.

Oo, maraming oportunidad na maging isang matagumpay sa propesyonal sa dakong inyong pinili, alam ko iyon. Maaring magising na lang ako isang umaga at madiskubre kong malaking pagkakamali ang ginagawa ko. Ilang tao nga ba naman ang gustong mag-aral pa ng sampung taon pagkatapos nila sa high school? Pero habang hindi pa nauuntog ang ulo ko sa pader, eto ang gusto kong gawin.

Bakit nga kasi hindi ako nag-nurse?



This post first appeared on *Buhay Kontrabida, please read the originial post: here

Share the post

Dahil Ayaw Ko

×

Subscribe to *buhay Kontrabida

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×