Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Cavitismo nga ba ang Nagpabagsak sa Supremo Bonifacio?

(Author's note: This is the original Tagalog version.  An English translation is forthcoming)

Hindi tutuo ang pakalat ng ilang mananlaysay na ang dahilan ng pagbagsak ni Supremo Bonifacio ay ang ginawang pagkakampi-kampi ng mga taga-Cavite laban sa kanya. Ang tunay na dahilan ng kanyang pagbagsak ay ang di niya pagtanggap ng kanyang ng pagkatalo sa halalan sa Tejeros.



Unang-una, bakit nga ba napadako si Supremo Andres Bonifacio sa lalawigan ng Cavite? Sa aking paniwala hindi upang magayos ng gulo tulad ng sabi ng ilang mananalaysay. Taliwas kasi ito sa sinasabi ni Onofre D. Corpuz sa kanyang bagong aklat, "Saga and Triumph". Ayon kay Corpuz, natunton ang Supremo sa kanyang pinagtataguan at naipadala ni Alvarez ang sulat imbitasyong bumisita sa Cavite. Ang pagbisita, aniya, ay upang ipakita sa Supremo ang tagumpay ng rebolusyon sa Cavite. Dagdag pang salaysay ni Copuz na ang pagpayag ng Supremo ay may pasubaling sandali lamang ang kanyang pagdalaw at hindi siya magtatagal.

Masasabing ang tunay na dahilan ni Alvarez sa kanyang pagimbita sa Supremo ay upang magpatulong na maipatupad ang pagkakahirang sa kanya ng Supremo bilang pangulo ng pinagisang kilusan sa Cavite. Ang paghirang na ito kay Alvarez ay ginawa noong pulong ng mga pinuno ng rebolusyon na ginanap sa Balintawak noong Agosto 26, 1896. Subali't apat na buwan na ang nakalipas hindi pa rin naipatupad ang kautusan ng Supremo, pati na ang balak na pagisahin ang Magdiwang at Magdalo na pamumunuan sana ni Alvarez.

Kaya sa aking palagay, nais ni Alvarez na gamitin ang kapangyarihan ng Supremo na maipatupad ang pagkapili sa kanya bilang pangulo sa Cavite. At ang kumbensiyon sa Tejeros ay siya nilang naisip na gawing instrumento upang maisakatuparan ang kanilang mga hangarin, dahil sa tingin nila ang Supremo pa rin ang kinikilalang puno ng rebolusyon. Kaya nga si Alvarez ang siyang nagpakana ng kumbensiyon at ang Supremo naman ang nangulo, at pinili nilang idaos sa kanilang teritoryo upang ganap ang kanilang hawak sa kumbensiyon at kontrolado nila. Ngunit sa kasamaang palad hindi natupad ang hangarin ni Alvarez at nasabit din sa alanganin ang katayuan ng Supremo, sa kadahilanang si Aguinaldo ang pinili ng mga rebolusyonaryo na pangulo ng bagong pamahalaang rebolusyon.

Naging kalunos-lunos ang nangyari kay Bonifacio sa halalan. Una, tinalo siya ni Aguinaldo sa pagkapangulo (146 na boto kay Aguinaldo , 80 kay Bonifacio, 30 kay Trias), kahit na si Aguinaldo ay hindi dumalo at ibinoto ng "in absentia" . Pangalawa, hindi sinusugan na gawin siyang pangalawang pangulo kahit sunod siya sa dami ng boto, sa katunayan tahimik ang mga delegado nang imungkahi ito ni Severino delas Alas. Pangatlo, tinalo siya ni Mariano Trias sa pagka pangalawang pangulo. Pangapat, nahalal lamang siya sa pinakamababang posisyon ng direktor ng Interyor, na nilapastangan pa ni Tirona ang kakayahan niya.

Hindi siguro tumimo sa isip ni Bonifacio na nawalan ng tiwala ang mga rebolusyonaryo sa kanyang kakayahang mamuno dahil sa mga balitang pagkakatalo niya sa mga labanan sa Maynila noong Agosto 1896, at sa kanyang bigong makaagaw ng isa mang bayan para gawin niyang himpilan. Makikita rin ang di paggalang sa kanyang pamumuno ang hindi pagsunod sa kanyang utos na dakpin si Vicente Fernandez, isa sa mga hinirang niyang heneral noong maglabanan sa Maynila. Sa ganang kanya siya pa rin ang Supremo na dapat sundin ng lahat, kahit na marami sa rebolusyonaryo sa Cavite ay hindi naman katipunero, kaya masakit sa kanyang kalooban ang kanyang pagkatalo na hindi niya matanggap.

Ang mga sumusunod na kaganapan ay patunay na hindi  matanggap ni Supremo Bonifacio ang kanyang pagkatalo:

UNA – IPINAHAYAG NA ANG HALALAN SA TEJEROS AY WALANG SAYSAY.
Pagkatapos maliitin ni Tirona ang kanyang kakayahan bilang halal na Direktor ng Interior, ginamit niya itong dahilan upang ideklara na walang bisa at saysay ang mga napagkayarian sa kumbensiyon dahil hindi daw sinunod ang usapan na susundin ang desisyon ng nakararami. Agad-agad umalis si Bonifacio kasama ang kanyang mga tauhan. Hindi niya pinansin ang pakiusap ni Santiago Rillo ng delegasyon ng Batangas na manantili at tanggapin ang kanyang pagkahalal. Nang hindi napigilan si Bonifacio, humingi ng kapangyarihan si Rillo na mangulo sa kumbensiyon na ibinigay naman ng mga delegado, at itinuloy nila ang pagtapos sa mga usapin at pinagtibay nila ang pagkahahalal ng mga naturang opisyal ng bagong pamahalaan. Pagkatapos ay inatasan si Kor. Vicente Riego de Dios na ipaalam kay Aguinaldo ang kanyang pagkahalal bilang pangulo at samahang itong makarating upang manumpa sa kanyang bagong tungkulin. (delos Santos, 53; May, 102; Alvarez, 107; Corpuz, 130)

IKALAWA - INUTOS NIYANG MAGBITIW ANG MGA NAHALAL
Kinabukasan pagkatapos ng halalan, iba naman ang naginig pahayag ni Bonifacio - siya daw ay dinaya. Pinulong niya ang mga Magdiwang at sila'y gumawa ng isang pahayag na tinaguriang "Acta de Tejeros" na naguutos sa mga nahalal na bumitiw sa kanilang mga pagkahalal dahilan sa bintang na pandarayang ginawa sa halalan. Dahil dito, inanyayahan ni Bonifacio ang mga Magdalo upang ipaalam ang kanyang utos, at dumating naman ang presidente ng Magdalo na si Baldomero Aguinaldo, kasama si Daniel Tirona at Antonio Montenegro. Nang ipaalam ni Bonifacio ang kanyang mithiin ay matinding tumanggi si Baldomero Aguinaldo sa katuwirang nasa wasto at makatuwiran ang halalan at ang lahat ng napagkayarian ay kinumpirma ng mga nakararami pagkatapos nang makaalis ang Supremo. (Richardson, 320-338; May, 98 and 109; Ronquillo, 66; Alvarez, 109)

IKATLO – NAGLUNSAD NG KUDETA LABAN SA BAGONG PAMAHALAAN
Nang hindi matinag ang mga halal na opisyal ng bagong pamahalaan tumawag muli ng pulong si Bonifacio noong Abril 19, 1897 at tumugon naman ang mga Magdiwang at dalawang heneral ng Magdalo, sina Pio del Pilar at Mariano Noriel. Lumagda sila sa isang kasulatan tinaguriang "Acta de Naic", na ang layunin ay pabagsakin ang bagong pamahalaan at arestuhin ang mga opisyal. Gamit ni Bonifacio ay isang sulat ng galing sa paring nangangalang Fr. Pi, at ang pagsuko ng mga Magdalong sina Cailles, Tirona at si Del Rosario, bilang patunay na aniya balak isusuko ni Pangulong Aguinaldo ang himagsikan. Narito ang nilalaman ng naturang kasulatan:

"Kaming nangagtala ng tunay naming mga pangalan sa ibaba nito ay pauang mga pinuno ng Hukbo ay nangag kapulong na pinanguluhan ng Kataastaasang P,lo [pangulo] tungkol sa guipit na kalagayang tinatauid nitong mga bayan at ng panghihimagsik; buhat sa napag aninao na Kataksilang gaua ng ilang mga pinuno sa pag sira ng matibay na pagkakaisa, pag ayon sa kaauay na Kastila at pag hibo sa mga kaual; bukod dito ang pagpapaubaya sa pangangasiua sa mga sugatan sa kadahilanang ito aming pinagkaisahan na iligtas ang bayan dito sa malaking panganib sa pamamaguitan ng mga paraang sumusunod:
"Una: ang lahat ng hukbo ay pipisanin sa pamamaguitan ng matuid o sa pilitan at mapapailalim sa pamamahala ng Kagg. na si M. Pio del Pilar.
"Ykalaua: uala kaming kikilalaning makapangyarihan sa lahat kundi ang una ang matuid at ang lahat ng mga pinuno na buhat ng una at magpahangang ngayon ay di nasisilipan ng Kataksilan at pag talikod sa pinanumpaanan.
"Ykatlo: ang sino mang gumamit ng kataksilan, karakarang lalapatan ng katapusang parusa.
"Yto ang aming pinagkaisahan na pinanumpaanan sa harap ng Dios at ng bayang tinubuan na di tatalikuran magpahangang libingan."
Nang malaman ni Aguinaldo ang masamang balak ni Bonifacio, sumugod siya sa Bahay Hacienda na pinagpupulungan at nagpakita sa mga magkakasabwat. Namutla ang karamihan pati na si Bonifacio, ngunit iniwan sila ni Aguinaldo at nagtungo sa kapaligiran, hinanap ang mga kawal na noo'y kinulong nina Bonifacio at sapilitang pinasasanib sa bagong hukbo. Ang mga kawal na kinulong ay pinagsabihan na kapag sila'y inutusang barilin ang sinumang ituro nila ay sundin at barilin, na siya namang ipinagtaka ng mga kawal.

Nang matagpuan ni Aguinaldo ang mga kawal, laking pasasalamant nila, ang iba ay nagiyakan pa, at nagsigawang, "Ikaw po ang aming susundin" at "Kayo po ang aming puno". Maya-maya'y nakarinig sila ng malalakas na yabag sa hagdanan at ibinalita sa kanila na si Bonifacio at ang kanyang mga kasabwat ay nagsilisan na. Si Bonifacio at mga kasamang taga Balara ay nagtungo sa Halang, ang mga Alvarez nama'y umuwi sa kanilang bayan sa San Francisco de Malabon, si Ricarte ay tumakas patungong Batangas, at ang dalawang heneral na Magdalo ay bumalik sa kanilang kwartel. Ipinatawag ni Aguinaldo ang dalawang heneral at sinabing wala siyang sama ng loob sa kanila at ang dalawa nama'y humingi ng tawad at sinabing nalinlang sila ni Bonifacio. Makalipas ang ilang araw, ang mga Alvarez naman ay kumilala na rin sa bagong pamahalaan at tinanggap ang mga posisyong inilaan para sa kanila. (Ronquillo, 106-109; Richardson, pp. 355-376; delos Santos, 46-47)

IKAPAT - NAGTAYO NG TANGGULAN AT NAGTAGTAG NG SARILING HUKBO
Matapos ang nabigong kudeta, lumipat ng kampo si Bonifacio at nanatili sa Limbon kung saan siya ay nagtayo ng tanggulan at nagsimulang mangalap ng sariling hukbo. Niyaya niya sina Hen Miguel Malvar at Artemio Ricarte na sumama sa kanya at inalok din ng pabuya ang mga sundalo ng Magdiwang upang lumipat sa kanyang hukbo, ngunit ang dalawang heneral ay hindi sumama dahil sa mahigpit na babala ni Aguinaldo na ang hindi pagkilala o pagtulong sa bagong pamahalaan ay tanda ng kataksilan sa bayan na lalapatan ng kaukulang parusa. (Ronquillo, 91-92; Alvarez, 117; CORPUZ, 124; )

IKALIMA – NAKIPAGBARILAN SA MGA SUNDALO NG PAMAHALAAN
Nang ika-27 ng Abril 1897, nagbaba ng utos si Pangulong Aguinaldo na arestuhin si Bonifacio at mga kasamahan nito dahilan sa ginawa nilang pagatake sa bayan ng Indang, ayon sa sulat na tinanggap ni Pangulong Aguinaldo galing kay Severino delas Alas, ang presidente ng bayan. Lumalabas na tinanggihan ng mga taongbayan ng Indang ang paghingi ni Bonifacio ng pagkain at mga pangangailangan, at dito nagalit ang Supremo at malakas na sigaw na ang sabi'y mga taksil sa rebolusiyon ang mga taga Indang at nagbanta na susunugin niya ang bayan, una ang simbahan at kumbento. Nang dumating na nga ang mga huhuli sa kanya, hindi lumaban ang kanyang mga tauhan at kusang isinuko ang kanilang mga armas, ngunit nagpaputok si Ciriaco, ang kapatid ni Andres, at napatay ang dalawang kawal ng pamahalaan. At sa palit-putukan napatay si Ciriaco, at si Andres Bonifacio nama'y tinamaan ng bala ng riple sa balikat habang itinututok ang kanyang rebolber at nasaksak pa ni Heneral Ignacio Paua sa may leeg  Sila'y dinala ng mga umaresto sa bayan ng Maragondon at doon ikinulong. (Corpuz, 124 ; Alvarez, 117-118; Kalaw, 5)

Ang wakas ay dumating kay Andres Bonifacio, ang bayaning nanganay ng rebolusyon, matapos ang paglilitis ng korte militar sa salang sedisyon na tinumbasan ng parusang kamatayan. Ibinaba ni Aguinaldo ang parusa sa halip na kamatayan ay ipatapon na lamang dahil ang sabi niya, ayaw niyang magaksaya ng dugo ng isang tunay na anak ng kapuluan. Ngunit sa kabila ng pagbabago ng hatol ay natuloy pa rin ang pagbaril sa magkapatid. Ang hiwagang ito ay nilinaw ni Aguinaldo sa kanyang sulat kamay na liham na may petsang ika-22 ng Marso, 1948. Ayon sa kanyang sulat, nilapitan siya nina Hen Pio del Pilar at Hen Mariano Noriel at nagsumamo na bawiin ang kanyang utos dahil sa panganib na idudulot ni Bonifacio, "kung ibig pa ninyong mabuhay pa tayo", at upang mailagay sa ayos ang kapanatagan at pagkakaisa ng rebolusyon. Binanggit ng dalawang heneral ang balak ni Bonifacio noong sila'y magkudeta ang ipapatay si Aguinaldo (Zafra, 232-237). Ito'y nabanggit din ni Pedro Giron sa kanyang testimonyo na isa sa mga ebidensiya sa paglilitis kay Bonifacio (Kalaw, 19)

May mga manunulat na patuloy pa ring ibinibintang, kundi man isinisisi kay Aguinaldo ang pagkamatay ni Bonifacio sa di maipaliwanag na kadahilanan. Kung babalikan ang kudeta na inilunsad ni Bonifacio, mababatid na ang igagawad sanang parusa sa mga kokontra ay "karakarang lalapatan ng katapusang parusa", ibig sabihin kitil agad ang buhay. Malayo ito sa paglilitis na ginanap kung paghahambingin. Kahit na sabihin pang may pagkiling sa panig ng pamahalaan ang korte militar na lumitis kay Bonifacio, ay maituturing naman isang marangal na paraan ang paglilitis sa kadahilanang wala naman silang karanasan sa pagpapatakbo ng isang korte, ngunit nakuha pa rin nilang maglitis, at habang kasalukuyang umaatake ang mapamuksang hukbo ng mga Kastila sa bayan ng Maragondon na pinagdausan ng paglilitis ay nakuha pa rin nilang bigyan ng araw ng pagdinig ang kaso ni Bonifacio.

Di kaya kung nabaligtad ang sitwasyon at si Aguinaldo ang tumayo sa lugar ni Bonifacio, hindi kaya ni ha, ni ho, patay agad si Aguinaldo? Hindi malayong ito nga ang maaring mangyari kung ibabase sa parusang igagawad sana ng mga magkukudeta at sa mga ipinakitang ugaling marahas ni Bonifacio, halimbawa, ang utos niyang hanapin si Teodoro Plata at paghiwalayin ang ulo sa balikat, ang pagtutok niya ng baril kay Buenaventura Domingo noong nakawala ang Prayle nang masukol nila ang Mandaluyong, ang pagtutok niya ng baril kay Daniel Tirona dahil sa hinala niyang nagkalat ng mga polyetong laban sa kanya, at ang muling pagtutok niya ng baril kay Tirona sa loob ng kombensiyon sa Tejeros sa karamihang tao.
Mga Batis:
1. Epifanio delos Santos, "Andres Bonifacio", Philippine Review, Vol 3 No 1;
2. Glenn Anthony May, "Inventing a Hero", New Day Publishers, University of
Wisconsin, Center for Southeast Asian Studies, 1996;
3. Santiago Alvarez, "Recalling the Revolution", translated by Paula Carolina
Malay, Uhiversity of Wisconsin, Center for Southeast Asian Studies, 1992;
4. Onofre D. Corpuz, "Saga and Triumph", University of the Philippines Press,
2002;
5. Jim Richardson, "The Light of Liberty"; ATeneo de Manila University Press,
2013;
6. Carlos Ronquillo, "Ilang Talata Tungkol sa Panghihimagsik ng 1896-1897",
edited by Isagani Medina, University of the Philippines Press, 1996; and
7. Nicolas Zafra, "Riptide to Tejeros", ‘The Making of a Nation", Filipino Heritage,
Lahing Pilipino Publishing, Inc. Philippine Copyright, vol. 8, 1978
#TUKLAS





This post first appeared on Aguinaldo - A Tarnished Hero, please read the originial post: here

Share the post

Cavitismo nga ba ang Nagpabagsak sa Supremo Bonifacio?

×

Subscribe to Aguinaldo - A Tarnished Hero

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×