Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Ang Pagbabalik/ The Homecoming

Tags: nang aking kong

ni Jose Corazon de Jesus


Babahagya ko Nang sa noo nahagkan,
Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan,
Isang panyong puti ang ikinakaway
Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan!
Nalulumbay ako’t siya’y nalulumbay!

Nang sa tarangkahan ako’y makabagtas,
Pasigaw ang sabing “Umuwi ka agad,”
Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”
Nakangiti ako, luha’y nalalaglag!
At ako’y nagtuloy, tinunton ang landas,
Na kabyak ang puso’t naiwan ang kabyak…

Lubog na ang Araw, kalat na ang dilim
At ang Buwan nama’y ibig nang magningning;
Nakaurasyon na noong Aking datnin
Ang pinagsadya Kong malayong lupain;
K’wagong nasa kubo’t may ibong itim
Ang nagsisalubong sa aking pagdatin!

Sa pinto ng nar’ong tahana’y kumatok,
Ako’y pinatuloy ng magandang loob;
Kumain ng konti, natulog sa lungkot
Na ang puso’y tila ayaw nang tumibok;
Ang kawikaan ko, pusong naglalagot,
Tumigil kung ako’y talaga nang tulog!

Nang kinabukasang magawak ang dilim,
Araw’y namintanang mata’y nagniningning,
Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:
Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim,
Nang magdi-Disyembre, tanim sa kaingin,
Ay ginpas ko na’t sa irog dadalhin!

At umuwi akong taglay ko ang lahat,
Mga bungang kahoy at sansakong bigas,
Bulaklak ng damo sa gilid ng landas
Ay sinisinop ko’t panghandog sa liyag,
Nang ako’y umalis siya’y uimiiyak,
Oh! Ngayon marahil siya’y magagalak!

At ako’y nagtulin halos lakad-takbo!
Sa may dakong ami’y mayroon pang musiko,
Ang aming tahana’y masayang totoo
At ang panauhin ay nagkakagulo!
“Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,
“Nalalaman nila na darating ako!”

Ngunit, Oh! Tadhana! Pinto nang mabuksan,
Ako’y napapikit sa aking namasdan!
Apat na kandila ang nangagbabantay,
Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay,
Mukhang nakangiti at nang aking hagkan
Ang parang sinabi’y… “Paalam! Paalam!”

Copyright © 2010 by J. Estoque
All Rights Reserved




This post first appeared on Poetika At Literatura, please read the originial post: here

Share the post

Ang Pagbabalik/ The Homecoming

×

Subscribe to Poetika At Literatura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×