Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Kalahating Kilong Gutom, Isang Litrong Luha





Hindi kayang lubusang magagap ng mura Kong kaisipan ang mga pangyayari nang araw na iyon, ang alam ko lamang ay ang madalas na pagkulo ng umaatungal kong sikmura. Gutom ako masidhi ang hapdi na aking nararamdaman sa tiyan ko tila sing hapdi ng init ng araw sa nasusunog na balat ng katanghaliang tapat tuwing tag-araw.

Mag-aalas dos na ngunit wala pang tanghalian, wala ding almusal. Sa aking pitong taong gulang na kaisipan ay tumatak ang araw na iyon. Lumabas ako ng kwarto galing sa pagmumuni-muni na madalas kong ginagawa, tinahak ko ang kusina upang alamin kung mayroong natatakpang makakain sa ibabaw ng lamesa...wala.

Sinilip ko ng bahagya ang kaluskos sa gawing sala, naroon ang aking ina...subsob sa pananahi, naghahanap-buhay. May kung anong katahimikan sa bahay ng araw na iyon na di maipaliwanag. Kalagitnaan na ng hapon ngunit tila nababalot ng dilim ang kabuuan ng bahay maliban sa gawing pinto kung saan direktang tumatama ang liwanag ng pang hapong araw.

“nay, gutom na ako...” Marahan kong anas. Alanganing ngingiti o maiiyak ang aking ina. Kung gaano kabilis siya lumingon upang pagsinuhin ako ay siya ring bilis ng bawi niya ng tingin, wari bang may kung anong naroon sa kanyang mga mata na ayaw niyang ipakita sa akin.

“mamaya konti anak ha, tinatapos ko lang ito tutubusin daw ito ngayon, para may pambili na tayo ng ulam”

Di ako tumugon. Naisip ko na lumabas na lang, pupunta ako kina Egoy, kalaro ko makikinood ako ng TV—biglang may kung anong sigla ang dumaloy sa katauhan ko, pansamantalang napawi ang isipan ko sa kumakalam kong sikmura.

“wag ka na munang lumabas, napaaway ka na nga nung nakaraan e”

mabilis na tugon ng aking ina, waring alam niya ang tinatahak ng alumpihit kong galaw.

Pinag masdan ko ang puluhang daliri ko sa kanang kamay, ang aking hintuturo at may maitim na kuko, hindi dahil sa dumi na dulot ng paglalaro o bunga ng kapabayaang pangkalinisan. Dugo ito na namuo dahil sa pagkakahawak sa trangkahan nila Egoy, anak ni aling Charito. Madalas akong nakikinood ng TV sa kanila. Black and white, nakalagay sa mahabang kahoy na kahon at may bukas-sarang pinapadulas na pintuan.

Isang hapon na nakikinood ako at nakatanghod sa tarangkahan nila Egoy, may kung anong sapak sa ulo ang pumasok sa katinuan nito at pilit akong pinagtatabuyan mula sa “komportableng” pagkakasilip ko sa nakasiwang na pinto. Makaraang makatikim ng mura, nanatili pa din akong sumisilip kay Bugs Bunny habang iniiwasan ang kanyang panghaharang sa paningin ko.

Huli na ng makaiwas ako, inihampas niya ang pinto ng ubod lakas, sukat isigaw ko ang buo kong hininga sa paghabol sa daliri kong naipit sa tarangkahan. Tulo ang sipon at luha kasama ang laway sa pagtakbo ko pauwi sa amin sapo sapo ang nangingitim na daliri.


Galit ako..galit na galit nang araw na iyon. Nakapagtatakang ang galit na naramdaman ko iilang araw pa lamang ang nakalipas ay wala na, mantakin mong naiisip ko pa ngayon na bumalik ulit doon at makinood ulit ng TV?

Nabulabog ang pagbabalik-tanaw ko ng nagdaang masakit na karanasan sa pakiki panood ng TV ng pumasok ang alaga kong pusa.

May tangan-tangan ito sa kanyang bibig na isang plastik na supot at mapula, tila may dugong tumutulo. Nagulat ako.

“shoooo!” isang mariing sigaw mula sa king ina, binubugaw ang hayop na noo’y natataranta kung saan susuling, alanganing tutuloy sa kusina o aatras patungo sa tarangkahan upang tumalon papalayo. Sa kalituhan nauntog ang nguso nito sa pagpihit sa nakaharang na upuan. Nabitawan niya ang tangay-tangay na supot. Bagong panganak ang pusa kong ito, marahil ay naghahanap-buhay upang may gatas na ipasuso sa kanyang apat na supling.

Dali-dali akong tumayo at lumapit sa kung anong bagay na lumagpak sa sahig nababalot sa plastic at mapula. Tocino.

Isang supot ng tocino mula sa Tindahan ni Aling Charito, nanay ni Egoy.
Lumapit si nanay, kinuha sa kamay ko ang supot. Humakbang pa kusina.

Maya-maya tumatawag na ito, luto na...kakain na kami...
Hanggang ngayon di ko nagustuhan ang lasa at itsura ng tocino. Marahil kasi mapula ito gaya ng naipit na daliri ko. Marahil mukhang madugo ito gaya ng buhay ko, marahil nagpapa alala ito ng kung anong masakit na karanasan sa mura kong isipan.
Gutom na ako...


This post first appeared on Karikatuura, please read the originial post: here

Share the post

Kalahating Kilong Gutom, Isang Litrong Luha

×

Subscribe to Karikatuura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×