Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Sa Landas ng Bahaghari

Tags: chua niya hindi
ni: Benjamin Pascual

"Mother's Love" Figurative, Contemporary Art by Neelam Sachan

Narinig na naman Niya ang kantahing Intsik sa radyo, ngayo'y sa tinig-babae, mga notang walang kawawaan, walang damdamin, sapagkat hindi niya maintindihan, at inisip nya kung paano iyon pinakikinggan ni Chua: maaaring nakaupo sa tumba- tumba si Chua, sa kabila ng nakataas ang isang paa, ang isip ay tangay ng kantahing iyon na araw-araw ay hindi nila maiwasang pakinggan. Sila ni Ana ay tindera lamang sa tindahang iyon-tinderang utusan. Hindi nila mahiling kay Ah Pe, tiyo ni Chua, na paminsan-minsa'y ilipat ang istasyon ng radyo sa programang Tagalog.

Maraming kumakain sa oras na iyon ng umaga, mga manggagawa sa kalapit na pagawaan ng tansan, mga trabahador sa di-kalayuang tablerya at talyer. Ngunit pagkatapos, sa pagsisimula ng gawain, magiging madalang na ang kakain. Hindi na magiging haplitan ang pagkilos nila ni Ana. Maaari sasabihin siya kay Ana. 

Kagabi, ginawa na naman ni Chua sa kanya ang minsa'y ginawa na nito: hinipo siya sa kamay. Nangyari iyon kagabing nagsasara na siya ng tindahan at inilalapat niya ang huling dahon ng pinto: sa kamay niya'y lumapat ang palad ni Chua, lumapat lamang pagnanasa, manapa'y pagpaparamdam lamang ng niloloob nito sa sandaling yong sila'y nag-iisa sa dilim. At gaya nang unang hipuin siya ni Chua sa kamay, sinabi nitong sila'y pakasal na.

"Ano pa ikaw ibik, Salud? Ako wala asawa. Melon naman ako pela. Sike napapakasal tayo agad." Wala sa tinig ni Chua ang pagpapakababa at pagsamong maasahang taglayin ng isang nagtatapat ng pag-ibig ang naroroo'y ang pawalang-bahala, pautos na pagsasalita ng isang panginoon sa kanyang alipin.

Nahila agad niya ang kanyang kamay nang dantayan ng palad ni Chua, at ngayon, matapos na marinig ang sinabi ng Intsik at sa takot na may gawin pa si Chua, mabilis siyang lumayo, hindi na nagpalit ng binisan at nagtuloy na sa nakahanda nang higaan nila ni Ana. Sumiksik siya kay Ana.

Inihudyat sa pagawaan ng tansan ang pagsisimula ng gawain at patungo na roong nagmamadali ang mga manggagawa; padiis na rin ang mga trabahador sa tablerya at sa talyer. Iniimis na ni Ana ang mga puswelong wala nang laman, mga plauto at baso, na dinadala nito sa lababo. Tinutulungan niya si Ana sa paghuhugas. Sa tindahan, dalawa na lamang ang kumakain.

"Kagabi, Ana," sabi niya sa kasama, "magsabi uli si Chua sa akon, magapakasal kami."

Tumingin sa kanya si Ana. Tumawa ang mga mata nito.

"Malaki siguro'ng gusto sa 'yo ni Chua. Ano'ng sabi mo?"

"Dili ako magasabi ng kahit ano lang."

"Kung ako naman ikaw e tatanggapin ko na. Binata naman yon, at bata pa naman. Mga treinta lang 'yon siguro. Sige na, para pagdating ng araw, ikaw na'ng me-ari nito!" Ang tindahan ang tinutukoy ni Ana.

"Siya magahipo uli sa kamay ko." Iminuwestra niya ang pagdantay ng palad ni Chua sa kanyang kamao. "Ganyan." Humagikgik si Ana, pigil upang huwag marinig sa loob.

"Gusto ko mag-alis na, Ana. Kon makuha ko an suweldo ko sa katapusan, magabalik na ako sa amin sa Samar."

"Sabi mo, wala ka nang ama't ina at tiya mo na lang ang uuwian mo ron. Bakit ka pa babalik? Dito ka na lang sa Kalookan magpirme. Tanggapin mo na si Chua. Binata naman 'yon. Gusto ka naman."

lyon ang isang bagay na hindi niya maunawaan kay Chua: kung siya'y gusto nito. Bakit siya ang napili ni Chua? Bakit hindi ibang babae, ibang tindera, o bakit hindi dalagang Tsina? Hindi siya maaaring tawaging maganda. Pandak siya, hindi nmaitim ngunit hindi naman masasabing maputi, walang hubog ang katawang unti-unti nang pinapapangit ng kumakalat niyang taba, malalaki ang binti, mababa na ang malalaking dibdib, at walang maituturong ganda sa mukha. Ang kamay niya'y malalaki at makakapal. Ni hindi siya nakapag-aral, at alam ni Chua iyon pagkat kung siya'y nakaabot ng mataas na pinag-aralan ay hindi siya tindera sa tindahang iyon. Ano ang gusto sa kanya ni Chua?

Patuloy na ipinaririnig sa radyo ang kantahing Intsik, ngayo'y sinasaliwan na ng mataginting na tunog ng wari'y pako o bakal na ipinupukpok sa maninipis na metal.

"Masakit na'ng tenga ko sa tugtog na 'yon," sabi ni Ana.

Gabi, nakahiga siya. Siya lamang mag-isa sa higaan nila ni Ana, binubulay-bulay Sa sarili ang mga kakatwang pangyayaring naganap nang araw na iyon. Nang dakong kainitan pa ng hapon, dalawang may kagulangan nang Intsik ang dumating, na dati na niyang napagkikita roon kung nagmamadyong, at ang mga ito at si Chua at ang matandang Ah Pe ay nag-usap sa Salas. Waring mahalaga ang pinag-uusapan ng apat, sa Wikang Intsik. At waring ang dalawang panauhin ay may iginigiit kay Chua na Sinususugan naman ni Ah Pe. Ang kakatwang bagay na naganap, at ngayo'y inihahanap niya ng kasagutan, ay kung bakit ang apat, sa kainitan ng pagsasagutan, ay madalas na maghagis sa kanya ng tingin.

Ngayon, napatuon ang kanyang kamalayan kay Chua. Mag-aapat na taon na siyang nagsisilbi sa bahay na iyon bilang tindera-utusan, at noong una, noong hindi pa ito roon nakatira, padalaw-dalaw lamang ito sa matandang Ah Pe. Malabo ang nalalaman niya sa pagkatao at pinagmulan ni Chua. Umano, sa dinig-dinig niya, galing ito sa Tsina: doon ito isinilang. Namatay ang mga magulang ni Chua at kinuha ito ng iba pang kapatid ni Ah Pe na sa Pilipinas nakatira. At nitong nakaraang dalawang taon, sa di-malamang sanhi, lumipat ito sa matandang Ah Pe. lisa ang anak ni Ah Pe, lalaki, at umano, ito at si Chua ang nangangasiwa sa isang tindahan ng hardware na ari ng mga kapatid ni Ah Pe.

Pangit si Chua. Hindi mapadapa ng pomada ang matigas at nag-igkas na buhok nito at ang marami nitong gintong ngipin, malalaki at nakausli ang ilan, ay hindi magandang tingnan sa bibig nito kung nakatawa. Lalong pangit kung kumain si Chua: nakasampa sa upuan ang dalawang paa, at hawak ng isang kamay ang mangkok ng nilugaw na ang labi nito ay nakadikit sa bibig, tinutulungan ng maingay na paghigop ang kinakalahig na pagkain.

Hapon na nang umalis ang dalawang panauhing Intsik, at ang isa pang kataka- takang bagay ay kasama ng mga ito si Ana.

"Isinasama ko, me ipakukuha raw sa 'kin sa bahay ng kapatid ni Ah Pe," sabi sa kanya ni Ana nang magbihis.

At ngayon, nakapagsara na siya ng tindahan at maghahatinggabi na, ay wala pa si Ana.

Sinabi niya sa sarili, di siya matutulog hangga't wala si Ana. Pipilitin niyang huwag makatulog. At kanyang sinariwa sa gunita niya ang ilang magagandang bagay na naganap sa kanyang buhay: ang paglalaro nila sa Samar ng anak na lalaki ng kanyang Tiya Paula noong sila'y maliliit pa. Kung umaambon at may bahaghari, natatandaan niya, ay uupo sila ni Gabriel at tatanawin iyon, at itatanong niya: "Bakit may bahaghari, Gabriel? At sasabihin ni Gabriel: "Ewan." 

Pag nakarating ka raw sa paanan niyon, makakukuha ka ng gusi ng kayamanan. At hindi ka raw malulungkot dahil sa naroon ang paraiso." 

At tatakbo sila ni Gabriel sa bahaghari, na waring palayo nang palayo, at hihinto sila, at tatawa, at sasabihin niya: "Ayoko na, Gabriel. Mahirap
palang puntahan ang bahaghari." 

Ginunita rin niya ang mamakalawa-mamakaitlong panonood nila ng sine ni Ana, ang minsang pamamasyal nila, ni Ana rin, sa Manila Zoo. Ngunit ang kanyang katawang pinagod ng maghapong paggawa ay sumuko rin sa antok at siya'y naidlip. Naalimpungatan siya nang maramdaman niyang may nagtaas ng kanyang kulambo, at sa dilim, nabanaagan niya si Chua. Dadalawang kataga ang binibigkas ni Chua habang ipinapasok ang sarili sa kulambo: "Huwak ka ingay, Salud! Huwak ka ingay!" at naramdaman niya sa kanyang katawang pinanginginig ng sindak at takot ang matitigas, malulupit na kamay ni Chua.

Mabait na mabait sa kanya ang sambahayang Intsik kinabukasan. Sa higaan siya dinalhan ni Chua ng pagkain: pritong itlog, longganisa, pandesal, tsokolate, mga pagkaing hindi niya dating natitikman sa tindahan. Sinabi sa kanya ni Ah Pe na hindi na siya magtitinda; hindi na siya tindera-utusan. Sinabi rin sa kanya na kung gusto niya, padadalhan ng pera ang Tiya Paula niya sa samar, sabihin lamang niya ang halagang kailangan. Sa kinahapunan na dumating si Ana.

At isang umaga, siya at si Chua at ang dalawang Intsik na palagiang panauhin sa kanila, kasama ng isang abogadong Plpino, ay nagtungo sa husgado sa isang malaking gusali sa Maynila. Dinala ang kasulatan sa kasal, na iniharap ng abogado sa piskal. Pinapirma siya sa ilang kasulatang nasusulat sa Ingles, na hindi na niya pinagkunwaring basahin pagkat ayaw niyang mahalata lamang ni Chua na hindi siya marunong bumasa ng Ingles. Tinanong niya si Chua kung ano ang ginagawa nila roon.

"Lalakad amin pala ako magi Pilipino sitisen."

Noon lamang niya nalamang si Chua ay hindi pa mamamayang Pilipino. At kung bakit naman gusto ni Chua na maging mamamayang Pilipino, hindi niya alam.

Sa simula, mabait si Chua. Totoong ang kinikita ni Chua ay hindi binibigay sa kanyaㅡ binibigyan lamang siya nito ng pera kung sinasabi niyang kailangan niyaㅡ ngunit maliit pa siya'y alam na niyang ang di pagbibigay ng pera ng asawa ay ugali talaga ng mga Intsik. Sa tindahan, kumuha si Chua ng bagong kapalit niya at hindi na nga siya pinagtinda, bagama't sinabi sa kanya ni Chua na tutulong din siya sa tindahan. Si Chua ang bumibili ng mga telang pinagagawa niyang damit. Si Chua rin, kung abala ang matandang Ah Pe, ang namimili. Noong una'y inisip niyang sinesenyora siya ni Chua.

Nang magtagal, unti-unti, nakaramdam siya ng malilit na paghihimagsik, maliliit na titis na sa kanyang pag-iisa'y nagdiringas at lumilikha ng apoy sa kanyang dibdib. Kung nagpupunta si Chua sa mga kasayahan ng mga Intsik o tiyuhin, hindi siya isinasama. Nababalitaan na lamang niyang si Chua pala ay nagtungo sa ganoo't ganitong kasayahan o nanood ng sine. Kailan man, hindi rin siya kinausap ni Chua ukol sa kalakaran ng negosyo nito. Datna't panawan siya sa bahay nang hindi nagsasalita kung saan nanggaling o saan pupunta. Parang asawa lamang siya ni Chua sa gabi at sa araw ay hindi. 

Noo'y kagampanan na siya,

Nang isilang niya ang bata-isang malusog na sanggol na babae na maputi at may tsinitang mga mata-ay lalong naging masigasig si Chua at ang abogadong Pilipino sa paglakad-lakad sa husgado. At isang hapon, dala ang ilang papeles, masayang-masayang dumating si Chua.

"Ako Pilipino sitisen na, Salud! Ako Pilipino sitisen na!"

Mula nang maging mamamayang Pilipino si Chua, naging madalas ang hindi nito pag-uwi sa bahay. Kung tinatanong niya, sinasabi ni Chua na sa bahay ng mga tiyuhin ito napipilitang matulog dahil sa negosyo. Nang magtagal, ang naging bahay nito ay ang bahay ng mga tiyuhin at pasulpot-sulpot na lamang sa tindahan upang madalaw si Ah Pe at upang makita ang anak. Noo'y wala na si Ana sa tindahan at siya na naman ang isa sa palaging nagtitinda. Hindi na kumuha si Chua at maging si Ah Pe ng kapalit ni Ana.

Maganda ang bata, na ang pangalan ay Amelita (hindi tinanggap sa simbahan, nang pabinyagan ang bata, ang pangalang Intsik na ibinibigay ni Chua). Kung minsa'y nagtataka siya kung bakit nagkaroon siya ng ganoon kagandang anak pagkat hindi naman siya maganda at lalong hindi maganda si Chua. May magandang biloy ang bata sa magkabilang pisnging namumurok, ang kutis nito'y hindi puting-Intsik kundi puting mamula-mula, at ang buhok nito'y pino at malambot at ang tsinitang mga mata ay maiitim at kumikislap kapag tumatawa. Sa bata nabuhos ang kanyang panahon, damdamin, at isipan; ang kaligayahang hinahanap-hanap niya sa daigdig ng tao, sa sanggol niya natagpuan. Kung siya'y nakatao sa tindahan ay wala na siyang hinihintay-hintay kundi ang sandaling makapahinga, at tatakbuhin niya ang bata sa duyan at kakargahin at lalaruin at kakantahan. At sa gabi, sa kanilang pagkakahiga na wala si Chua, sisiilin niya ng halik ang namumurok na pisngi ng bata. 

"Mahalin mo sa akon, ha?" sasabihin niyang naglalambing. "Pagmalaki na sa imo, mamahalin mo sa akon."

"Sasabi sa Chua, huwak mo matutulo sa bata kanta Takalok."

"Gusto ba kay Chua, kantalon ko sa Intsik? Dili ako marunong magkanta sa Intsik."

"Basta, huwak ka kanta sa Takalok, sasabi sa Chua."

Ngayo'y nagiging madalas na naman si Chua sa tindahan, sa pagdalaw-dalaw sa bata, at nang si Amelita ay maging tatlong taon, bibihisan ito ni Chua at may pagmamalaking isasama sa mga kaibigan, sa pamamasyal, sa bahay ng mga tiyuhin. Kung minsa'y isasama ni Chua ang bata nang mga ilang araw, isang linggo, at sa mga gabing iyo'y hindi siya makakatulog sa pag-aalaala kung ano na ang nangyayari sa kanyang anak o kung saan ito dinala ni Chua. Minsa'y hindi siya nakatiis at pinuntahan niya ang mag-ama sa bahay ng kapatid ni Ah Pe. Doon, dinatnan niya ang bata na kalaro-laro ng mga anak na Intsik ng kapatid ni Ah Pe. Pagalit na hinarap siya ni Chua.

"Sike, ikaw uwi na, kami balik na."

Minsang dumating ang mag-ama, mula sa isang linggong pagkakalayo, sumalubong ng yakap sa kanya ang bata at nagsalita sa wikang Intsik. Natitigan niya ang bata. Ang nakikita niya'y hindi bahagi ng kanyang laman at dugo kundi isang tau-tauhan, isang murang kawayan, na hinuhutok sa bagong anyo, hinahasikan ng bagong kaisipan, sa Isang kapaligirang hindi siya magkakaroon ng ano mang bahagi pagkat siya'y Isang inang inaayawan. Nayakap niya nang mahigpit ang bata at siya'y napaiyak.

Minsan, nang si Amelita ay anim na taon na, sinabi sa kanya ni Chua:

"Salud, buti pa, tira atin si Lita sa Sya Na." Ito ang pangalan ng isa sa mga kapatid ni Ah Pe.

Nabigla siya.

"Bakit?"

"Dapat siya alal na. Siya anim taon na. Puwede na siya alal.

"Saan man siya mag-aral?"

"Sa eskuwela Intsik." Sinabi ni Chua ang pangalan ng paaralang Intsik at kung saan iyon naroon sa Maynila.

Naragdagan ang kanyang panlulumo. Ang habol na lamang niya ngayo'y huwag malayo sa kanya ang bata.

"Mag-aral siya, oo, dili ako magrereklamo, piro bakit magatira si Lita kay Sya Nana 'yan? Tumingin si Chua sa kanyang mukna na kasasalaminan ng kanyang windang na dibdib, at nakita roon ang kanyang pagkaina. "Puwede naman ikaw dalaw sa Lita. Dalaw mo si Lita isa beses isa linggo."

"Ang dugo ng aking dugo, dadalawin ko-na lamang? Magiging bisita na lamang ako ng aking anak, na sa katagalan, Sa kalaunan ay maaaring ipagtanong niya kung sino? Ako na kanyang ina? Maaaring ang kalahati niya'y Intsik ngunit ang kalahati niya'y Pilipino, at ang kanyang pagka-Pilipino at pagka-lntsik ay kapwa anak ko. Ina ako ng kanyang bahaging Pilipino at bahaging Intsik. Hindi!" Hindi niya nasabi, sa sandali ng sukdulang kaapihan, ang daluyong ng mga salitang ibinuga ng kanyang isip. Hindi makaiintindi ng Waray si Chua, at hindi niya masasabi ang mga salitang iyon sa Tagalog.

"Bukas, akin dala si Lita sa Sya Na."

Nang umaga ring iyon, nagbalot si Chua. Ang kataka-takang bagay, hindi lamang ang lahat ng damit ni Amelita ang inilagay nito sa isang maleta. Sa isa pang maleta inilagay rin ni Chua ang lahat ng damit nito. Tapos na ang kanyang pagkaina; tapos na ang kanyang pagkaasawa. Siya sa ikalawang pagkakataon, ay isa na namang alipin sa tindahang iyon, maghihintay ng bagong Chuang maghahangad na maging mamamayang Pilipino, na dudungis sa kanyang dangal, kukuha sa kanyang supling pagkat siya'y ikinahihiyang ina.

At umalis si Chua, matapos siyang pagbilinang bukas ay kukunin ang bata.

Noo'y araw ng Lunes, at natandaan niya ang minsa'y nasabi ng isang nakausap na kababayan na tuwing Lunes at Miyerkules ay may tumutulak na bapor pa patungong Samar mula sa North Harbor, na siyang nilunsaran niya at ng dalawang kababayan may sampung taon na ang nakararaan. Nang hapong iyon, samantalang ang matandang Ah Pe ay nahihimbing sa tumba-tumba matapos ipaghele ng kantahing Intsik sa radyo, kumuha siya ng tatlumpung piso sa kita ng tindahan, sinabi sa kasamang utusang-tindera na ipapasyal niya ang bata, at kasama si Amelita, sumakay sila sa dyip. Mainit pa ang raw, bagaman papalamig na, nang dumating sila sa North Harbor, at naupo sila sa likod ng isang giray na tindahan, nagtatago sa maaaring makakitang kakilala, nananalanging sana'y gumabi na, gumabi na, gumabi na.

At lumatag ang gabi, at sumakay sila sa barko. Sa pagkakatalungko sa kamarote, sa kandungan niya nakatulog ang bata. Ang malalaki niyang bisig ay nakayakap sa katawan ng bata, binibigyang-init ang kalamnan nitong nakabuyangyang sa lamig ng gabi, at maya't maya'y ilalapit niya ang kanyang mukha sa anak at hahagkan ito sa pisngi at sasabihin, sa isip lamang: "Walang maaaring maglayo sa iyo sa akin, anak. Magbubungkal ako ng lupa dahil sa iyo, magpapaalila ako dahil sa iyo, ngunit ako ang tatawagin mong ina. At humatinggabi, at nag-umaga, at siya'y nakatingin pa sa katimugang tinutungo ng barko. Sapagkat hindi maglalaon, matatanaw niya sa dako roon ang anino ng malaking pulo, nayuyungyungan ng pagkaganda-gandang bahaghari, kaaya-aya sa dilim ng dapithapon at sa nagsala-salabat na nagliliparang ibon, ay ituturo niya ang mga iyon kay Amelita at sasabihin niya: "Doon tayo titira, anak. Ikaw at ako. Tayong dalawa lamang!"



Copyright © 2020
All Rights Reserved


This post first appeared on Poetika At Literatura, please read the originial post: here

Share the post

Sa Landas ng Bahaghari

×

Subscribe to Poetika At Literatura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×