Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Kadakilaan sa Tugatog ng Bundok

ni: Brigido Batumbakal

"Military Portrait of Young Soldier - Private Romeo," by Christine Montague


Takipsilim na nang dumating si Kiko. Sa banaag ng kalulubog na araw, palalong nakatindig ang tangos ng bundok, na habang tinititigan, lalong tumatarik ang anyo at waring tumataas habang lumalaganap ang dilim. Nadama ni Kiko ang maligamgam na simoy ng hanging nagmumula sa kabundukan. Nang makita ng kanyang mga kanayon ang paghinto ng karitelang kinasasakyan niya ay nagtakbuhan na silang papalapit. Hindi na magkamayaw ang hiyawan. "Narito na si Kiko. Kasama Ang Kanyang tatang. Ang payat! Kaka, narito na si Kiko! Tatang, si Kiko, si Kiko.." At ang karitelang kinasasakyan ni Kiko ay naligid na ng kanyang mga kanayon.

Pinagala ni Kiko ang kanyang mga mata. Walang nabago sa mga tanawin; binati ang kanyang paningin ng mga tahanang kilala niya ang mga namamahay, ng mga punong manggang nakahanay sa tanging lansangan sa nayon na parang isang matalim na sandatang naglagos sa puso ng kanayunan at kabukiran, tila mga nakalahad na kamay ng isang magulang na tumatanggap sa kanya. "lto rin ang dating nayong nilisan ko, may ilang buwan na ang nakaraan," ang naibulong niya sa kanyang sarili.

"Parang hindi nagambala ang ating nayon, ano?" ang nasabi ng isang katabi ni Kiko.

"Opo," ang narinig ng marami. "Wala pong nabago sa atin."

Isa't isa ay nagtanong: "Hindi mo ba nakita si Karding? Si Juan ko? Ang aming si Saryo".. at siya'y naligid na ng mga babaing pawang lumuluha. Ano ang nangyari sa inyo, hindi mo nakita sila? Hindi napigil ni Kiko ang paglaglag ng kanyang luha. Sa kanyang luha'y kasamang nalaglag ang mga hamog ng damdaming kanina pa tila mga ulap ng ulang ibig dumilig sa mga halamang iwi ng mga pusong nagmamahal sa anak.

Ang bawat dumating ay may sariling katanungan. Kung minsan ay natutugon ni Kiko ngunit kadalasan ay sila-sila rin ang sumasagot sa kanilang pag-uusisa.


Ang buong bayan ay halos nasa bahay na nina Kiko. Magmula sa trangkahan hanggang sa silid na kinatatayuan niya ay nag-uusap ang mga tao. May paghahakang ang ilan sa mga kasama ni Kiko sa kanilang nayon na nagsipagsundalo ay hindi na makauuwi. Hindi na makauuwi ang mga iyon. Hindi ba ipinag-ilaw na si Saryo? Si Juan ay narinig na tumawag sa kanyang tatang, isang gabing kalaliman. At ang ilang nakikinig na hindi makapaglahad ng sariling palagay sa pagpapalitan ng kuro-kuro ay nagtatango na lamang ng ulo.

Hindi na naupo si Kiko dahil sa mga taong nagdaratingan. Ang iba'y may dala pang lilik na nagpapakilalang sila'y nandaramo. At ang iba'y humihingal pa kung magtanong at mangusap. "Mabuti naman at di ka napatay. Salamat sa mga Hapones at buhay ka pang nakarating sa ating nayon. Talagang tayo ay kaibigan nila ano? Magsalita ka."

Isang matandang babae ang yumakap sa kanya. Sa mga mata ng matanda ay bumukal muna ang luha saka nangatal ang kanyang mga labing di nakakayang bumigkas ng mga katagang may kaugnayan sa buhay ng kanyang anak na si Simon. Kayraming matang nag-ambag ng pakikiramay sa nakitang pagluha ng babaing yumakap kay Kiko.

Nanariwa sa isipan ng marami ang buhay ni Simon. Ang ilan ay pailing na nagsabing ang ina ay talagang di-maaaring makatiis sa anak. Hayan si Aling Odyang, sa kabila ng mga ginawa ng kanyang anak, narito pa ring nakikibalita sa naging hantungan ng anak.

At nagbalik sa diwa ni Kiko ang huling pagkikita nila ni Simon sa Santa Fe. Si Kiko ay isang kawal na tanod nang magdaan ang trak na kinasasakyan nina Simon.

"Nagkita kami ng iyong inang," ang sabi niya kay Simon. "Umiyak ang iyong inang at sinabing kung tayo raw ay magkita, ibibigay ko sa iyo ang kuwintas na ito."

Parang di-narinig ni Simon ang kanyang binanggit. At di man lamang nilingon ang kuwintas na iniabot ni Kiko. Nang lalakad na lamang ang trak ay narinig ni Kikong pinakukumusta siya ni Nida. At matuling naglagos sa kanilang himpilan ang trak nina Simon. Hindi na sila nagkita pang muli. Walang nagawa si Kiko kundi pakibalitaan ang kinaroroonan ni Simon. Sinumang kakilala ay di-makapagbalita sa kanya ng ukol sa kanyang kanayon. Minsan, narinig niya ang pangalan ni Simon sa bibig ng ilang kawal. Pinag-uusapan ang pagsagip na ginawa ni Simon sa isang pangkat ng mga kawal na taliba sa larangan sa Hilaga. Hindi siya makapaniwala na si Simon Buhay ang binabanggit sa kanya ng mga kawal na iyon.

At nang isuko ang Bataan ay muli na naman niyang narinig ang pangalan ni Simon sa loob ng kampamentong pigilan. Noon ay gabing ang tanging bumabasag sa katahimikan ay ang hugong ng mga lamok na waring higit na nag-iibayo ang kabagsikan habang nabubusog ng dugo ng mga maysakit, saka ang daing ng mga kapus-palad na kawal na tumatawag sa kanilang mga mahal sa buhay.Narinig niyang binigkas ang pangalan ni Simon Buhay, at naramdaman niyang tila tumalas ang nanghihina niyang pandinig. Noon din ay parang naulinigan niya ang tinig ni Aling Odyang, na nakatayo sa tabi ng karitelang naghatid sa kanya sa himpilan ng tren at hawak ang kuwintas.

Sa anasang pagbabalitaan ng dalawang kawal ay para niyang nakita ang huling tayo ni Simon sa larangan ng Bagak. Sa kanyang narinig ay nakadama siya ng di-karaniwang lakas at waring sinasakal siya ng damdaming yaon, at kung hindi lamang mahigpit na ipinagbabawal ang mag-ingay sa gayong sandali ng gabi ay isinigaw na sana niyang si Simon Buhay ay isang kababata at kanayon niya.

At nang yakapin siya ni Aling Odyang ay niyanig siya ng damdaming kagaya ng naghari sa kanya nang marinig niya ang mga salaysay ng dalawang kawal ukol kay Simon. Sa mga bisig na yumapos sa kanyang nanghihinang katawan ay nadama niya ang lakas ng mga kamay na humuhubog sa katauhan ni Simon, mga kamay na siyang nag-ugoy sa duyang umaruga sa kamusmusan nito. At sa mahinhing hikbi ni Aling Odyang ay para ring narinig niya ang tinig ng isang babaing umaawit ng mga kundimang nakapagparagdag sa kagandahan ng kaluluwa ng bawat anak ng bayan na kawangis ni Simon.

At kumapal ang mga taong dumalaw kay Kiko. Si Aling Odyang ay napaupo na lamang sa isang sulok. Nagmasid sa nagsisidalaw at narinig niya ang usapan: "Mabait kasing bata si Kiko, kaya pinatnubayan ng Diyos. Iingnan ninyo, Siya lamang ang tanging nakauwi sa maraming kabataang nagsundalo rito sa atin."

Sa mga katagang narinig ni Aling Odyang sa kanyang mga kanayon ay lumalim ang sugat sa kanyang puso. big sana niyang ipagtanggol si Simon. lbig niyang sabihin na ang kanyang anak ay nakikinig sa sa kanyang mga pangungusap at kawangis din ng ibang mga anak na marunong magmanal sa magulang, ngunit ang mga taong naroroong dumalaw kay Kiko ay hindi makapaniwala. Kilala ang kanyang anak na si Simon, at kahit na hindi sinasabing masama ang kanyang anak ay para na rin niyang naririnig ang mga bulung-bulungan na ang talagang minamasama ay si Simon.

Hindi na nalubos ang kanyang paniwala na ang lahat ay nagkakaisa sa palagay na masama si Simon. Nalalaman niyang may Isa pang babaing tulad niya na naniniwalang ang kanyang anak ay mabuti. Mula sa sulok na kinaroroonan ni Aling Odyang ay nakita nito na pumasok si Nida. At nang pumasok si Nida ay parang nakasamyo ng bango ng bulaklak ang lahat. Napabiling ang mga ulo nila sa dakong kinaroroonan nina Nida at nang makita nila ito ay binigyan ng puwang ang dalaga. Si Kiko man ay tumayo at inihandog niya ang kanyang upuan sa bagong dating. At muling nagkatinig ang sali-salitaan. Narinig lahat ni Nida ang mga banggit ukol sa kabaitan ng isang nilalang. Ang dibdib ni Nida ay naging karagatang binabayo ng daluyong sa kanyang narinig. At bagaman di-sinasabing si Simon ang masama ay yaon na ang ibig tukuyin ng marami. Sa kanyang mata ay hindi luha ang gumiti; hindi man lamang nag-ulap ang kanyang paningin kundi bagkus pa ngang kumislap ang poot at pagkamuhi. Sa pamamayani ng ngitngit sa kanyang dibdib ay hindi niya nakuhang magpaalam pa. At si Kiko lamang ang nakapansin sa biglang pagkawala ni Nida sa kanilang umpukan.

Sumaisip ni Kiko ang bilin ni Simon nang sila ay magkita sa Santa Fe. Napadukot sa bulsa at nasalat ang kuwintas na ipinabibigay ni Aling Odyang kay Simon. lbig sanang habulin ni Kiko si Nida upang ibalita ang bilin ni Simon, ngunit wala na ang dalaga. At nang ibaling ni Kiko ang kanyang pananaw sa dakong kinaroroonan ni Aling Odyang,
ang matanda ay wala na rin.

Napasugod siya sa bintana. Malayo na ang dalawa, ngunit hindi nakatanan sa pananaw niya ang tangos ng bundok na ngayo'y laganap na ang karimlan at lalo pang naghuhumindig ang anyo.



Copyright © 2020
All Rights Reserved


This post first appeared on Poetika At Literatura, please read the originial post: here

Share the post

Kadakilaan sa Tugatog ng Bundok

×

Subscribe to Poetika At Literatura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×