Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Kinagisnang Balon


ni : Andres Cristobal Cruz

"At The Well" by Manuel Garcia y Rodriguez

Sinasabing walang lampin sa purok ng Tibag na hindi nalabhan sa tubig na sinasalok sa malalim, malaki't matandang balon.


Sinasabing walang naligo sa Tibag na hindi nagbuhos ng malinis at malamig na siyang biyaya ng matandang balong tisa.

Anupa't masasabing walang isinilang at inilibing na taga-Tibag na hindi uminom o benindisyunan ng tubig na galing sa kanilang balon.

Kung isipin, masasabi rin na ang buhay at kamatayan ng mga taga- Tibag ay nasa balong iyon.

Mahalaga nga ang balon, ngunit ang bagay na ito'y hindi nila pinag-uukulang masyado ng pansin. Sa kanila ang balon ay bahagi na ng kanilang buhay at kapaligiran, bahagi na ng kanilang mga kinagisnang alamat at mga paniniwala't pamahiing imumulat naman ng mga ito sa susunod nilang salinlahi.

Walang makatiyak kung kailan hinukay ang balong iyon.

"Noon pang panahon ng Kastila," anang matatanda. "Hindi pa kayo tao, nandiyan na iyan," giit naman ng iba.

At parang pagpapatunay, pagtitingnan ang mga tisang ginamit sa balon. Kauri daw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng Intramuros o kaya'y sa mga pinakamatatandang sambahang Katoliko sa Pilipinas.

Ipinaglaban naman ng iba na ang balon ay hinukay o sa lalong wastong salita ay ipinahukay ng mga maykapangyarihan noong unang panahon ng mga Amerikano. Katunayan daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luzon, ang may balong katulad ng nasa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga ganitong balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang kolerang ilang beses nang kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libo-libong bunay. Nasa tubig daw ang mikrobyo ng kolera at kung ang pagkukunan ng tubig ay nasa labas ng bayan, por lo mernos, madali ang pagsugpo sa pagkalat ng makamandag na kolera. May kalabuan man, kung sa bagay, ganoong pala-palagay, wala namang magagawa ang mausisa. Basta't iyon daw ang paniwalaan, tapos ang kuwento.

Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang pikon, kung kokontrahin mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim, lalo na kung patay ang buwan, may malignong lumilitaw sa may balon.

Magtago ka raw at sumilip sa likod ng mga punong kakawati. Kung minamalas ka, makikita mo na lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae sa may balon. May inaaninaw daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o maaaring nilunod sa balon noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw, mga kung ano-anong hayop ang nagsisilabas sa may balon at nag-uungulan.

At ano bang mali-maligno? Naisipan daw ng ilang kabinataan ang magpahatinggabi sa likod ng mga punong kakawati. At ano ang natuklasan nila? Ang nananakot ang siyang natakot. At nang magkabistuhan na, bumangon daw itong may kinapkap na kung ano at hinabol ng mga nakatuklas. Hindi matapos-tapos ang sisihin nang makasal nang di-oras ang dalawang maligno, na walang iba kundi ang tanging biyudot pinakamatandang dalaga sa Tibag.

Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon ng libag. Sa may balon, naglalaba't naliligo ang mga dalaga't kababaihan. Kung naroon na ang mga dalaga, panay, naman daw ang hugas ng paa ng mga binata. Naroon na ang nakawan ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng saboy ng tubig o mga naluluma't hindi natutuloy na pagbabantang magsusumbong. Ang ingay ng mga batang nagsisipaligo, ng mga baldeng pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil na hagikgikan ng mga babae at harutan ng mga dalagita.


Marami ang makapagsasabing sa libag, ang buhay-buhay, tulad na matatandang balon, ay siya na nilang kinagisnan, kinamulatan pa rin ng kanilang mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman nito.

Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Agwador. Siya lamang ang agwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, para gamit lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang nagsusunong ng banga ng inumin, balde, o galgareta.

Hanapbuhay ni Tandang Owenyong Agwador ang pag-iigib ng tubig. Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa Tibag at niya ang mga tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib sa mula't mula pa. lto ang mga nagpapaigib na pamilyang kung nagpipiyesta ay siyang pinakamaraming handa't bisita, mga nagiging hermano o punong abala sa mga comite de festejos. Ito rin ang ipinag-igib ng ninuno ni Tandang Owenyo.

Maglilimampung taong gulang na si Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit na Kanyang kulay-abong buhok. Pangkaraniwan ang taas, siya y laging nakakamisetang manaba ang manggas at hapit sa katawan. Matipuno at siksik daw ang katawan nito noong araw.

"Bat naman di-magkakaganoon, e sa banat Ang Kanyang buto sa pagsalok no'n pa man, sabi ng iba.

"Binata pa iyon," saka dagdag naman ng ilan, "agwador na."

"Di ba't si Ba Mercy ay agwador din?"

"Aba, siyanga ano!"

"Ang pangalan ng ama ni landang Owenyo ay ba Mercy. Namatay ito noong panahon ng Hapon."

"Pero 'ala pang giyera," pilit ng iba, "umiigib na ang Tandang Owenyo."

"Minana na niya ang upisyong iyon." 

"E, si Nana Pisyang Hilot? Di ba't sa balon sila..."

"A, oo! Doon niligawan ng Tandang Owenyo Si Nana Pisyang. Ipagtanong mo."

"Labandera na noon si Nana Pisyang?" Labandera na. 

"Ang iniigib ng Tandang Owenyo ang siyang ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda ang kanilang istorya.."

"Ang Ba Felising Hilot?"

"Aba, e, labandera rin iyon. Tinuruan naman niyang manghilot ang kanyang anak yon nga si Nana Pisyang." 

"Tingnan mo nga naman ang buhay. Sa Amerika ba, merong ganyan!" 

"Amerika naman iyon. Pilipinas naman ito, a! Siyempre dito sa atin, pasalin-salin ang hanapbuhay! Mana-mana ang lahat."

"Si Ba Mercy, agwador, puwes, si landang Owenyong anak ay agwador din. At si Nana Pisyang ng Ba Felisa, labandera." 

"Pero si Nana Pisyang humihilot din." "Ow, ano ba naman yon Di naman araw-araw e me nanganganak. Saka bigyan mo lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na."

"Me pamamanahan na sila ng kanilang mga ikakabuhay.

"Di nga ba't katu-katulong na ng Nana Pisyang sa paglalaba't paghahatid ng damit niya si Enyang? Meron na siyang magsisiks greyd." 

"At si Narsing nila?" 

"A, si Narciso ha? Sayang. Tapos ng hayskul, hindi na nakapagpatuloy." 

"Ow, tama na iyon. Tapos ka't hindi, pareho rin.SI Narsing ang me ulo. Laging may dalang libro, e. Sa library nga raw sa kabayanan nagbabasa't humihiram ng libro. Minsan nakita kong may kipkip na libro. inanong ko kung ano, e, ano raw?"

"Florante at Laura."

"Tingnan mo nga iyan. Sayang na bata. May ulo pa naman. Balita ko'y ayaw mag-agwador."

"Nahihiya siguro. Biruin mo nga namang nakatungtong na halos sa kolehiyl at sa pag-aagwador mapupunta. Bat nga naman 'yong iba. Karabaw Ingles lang ang alam, e mga tente bonete na." 

"Kayo pala, oo! Para kayong bago nang bago sa Pilipinas. Pa'no ay may malakas na kapit yon! Di agwador din ang bagsak ni Narsing". 

Naghihimagsik si Narsing. Ayaw niyang pumasan ng pingga. Totoo ngang umiigib siya. Ngunit iyon ay para gamit lamang sa bahay. At gusto pa niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa sa gumamit ng pingga.

Sabi ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung magpipingga lamang siya, mapapagkamalan daw itong si Tandang Owenyo noong baguntao pa ito. lyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin, ng mga naghuhuntahan sa harap ng tindahang sarisari sa tapat ng lumang kapilya.

Kung naririnig ni Narsing ang gayong sabi-sabi, lalo lamang sumisidhi ang kanyang paghihimagsik. At ito'y may kasamang malalim na hinanakit.

"Ba't pa ako nag-aral, kahit na nga hanggang hayskul lang," sabi niyang may pagngingitngit sa sarili, "tapos sa agwador din ang bagsak?"

Nagsampay ang kanyang ina nang siya'y magpaalam isang umaga. Ang apat na alambreng sampayan ay lundong-lundo sa bigat ng malalaking sinampay. Hindi na nakita ni Narsing na ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhansa sa may gilid ng bakod na siit ay walang kinula. Sa kabilang gilid ng bakuran hanggang sa duluhang papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng pudpud na pudpud, na ang talbos ay naaagad. May kapirasong balag na ginagapangan naman ng upo.

Binigyan si Narsing ng kanyang inang si Nana Pisyang ng konting babaunin. Ito'y naipon sa paglalaba't sa pinagbilhan ng ilang upo at talagang inilaan para sa susunod na pasukan ng mga bata.

Nakituloy si Narsing sa isang tiyahin sa Tondo, sa Velasquez. Sa araw, naglalakad Siya t naghahanap ng mapapasukan. Kahit na ano, huwag lamang mag-aagwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung ano-anong kompanya't pagawaan ang kanyang nilapitan. Pulos naman No Vacancy at "Walang Bakante" ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya.

Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang madalas na mga tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito'y may dala pang sulat na galing sa ganoo't ganitong senador o kongresman. Natawang ibig maluha ni Narsing. Binabalewala pa pala ng mga tao kahit na ang pirma ng mga politiko. Maski siguro si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho ang balanang puntahan ni Narsing.

Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan ng Insik. Subukan ko nga ito, sabi niya sa sarilit pumasok siya sa isang ektarya yatang gulayan na binabakuran ng mga alambreng may tinik. Kinausap niya ang lnsik at nakita niyang nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na tabla. Taga-alis ng uod, magpala o magpiko, sabi ni Narsing sa Insik.

"Hindi puwele," sagot ng Insik, "yan lang aken talmaho. Nahat-nahat 'yan akyen lang tanim, dilig."

"O, paano talagang wala?" sabi ni Narsing at napansin niyang tumigas ang kanyang boses. Para siyang galit.

Ikaw gusto pala ngayon alaw lang, ha." Sagot ng Insik na ngingiti-ngiti, "akyen gusto lang tulong sa yo."

"O, sige, ano?"

"Ikaw kuha tubig, salok sa balon, dilig konti, ikaw na gusto?"

Ibinigay ng Insik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera.

Kinabukasan ng hapon, nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa Velasquez. Sumakay na siya ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa Tibag. Pangkaraniwan na sa Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabaho sa Maynila, lalo na ang trabahong bago at hindi minana. Habang nasa daan ay iniisip niya kung paano niya maiiwasan ang kanyang mamanahing hanapbuhay na halos pantawid-gutom lamang, ang isang kalagayan ng pagtitiis mula sa umpisa hanggang sa katapusan, walang kamuwangan, hirap at laging nakasalig, kung hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa pagsasamantala naman ng marami.

Mabuti pa, sabi ni Narsing sa sarili, hindi na ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang kanyang isip at guniguni sa sanlibot sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at sa maraming paghamon ng buhay na di niya maubos-maisip kung paano mapananagumpayan.

Magtatakipsilim na nang dumating siya sa Tibag. Dinumog siya ng paslit na nagtatanong kung mayroon siyang dalang pasalubong. Wala siyang anumang dala.

Ang sumundo sa kanyang si Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan sa lumang dulang. Habang sila'y kumakain, nararamdaman ni Narsing na naghihintay ang kanyang ama't ina ng kanyang isasalaysay tungkol sa kanyang paghahanap ng trabaho sa Maynila. Ano naman ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman tungkol sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho?

Inalok siya nang inalok at pinakakaing mabuti ng kanyang ina. Animo y nagkandagutom siya sa Maynila. Pasulyap-sulyap siya sa kanyang nasasaksihan. Nag aagawan ang mga paslit sa ulam. Tipid na tipid ang subo ng kanin. Ang ulam nilay kamatis at bagoong na may talbos na naman ng kamote, isang mangkok na burong mustasa, at ilang tustang piniritong bangus. Maya't maya'y sinasaway ng kanyang ina ang mga batang aso't pusa sa pag-uunahan sa pagkain. Sa buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos nagkakaroon ng mumo sa dulang. Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung magsabaw sila sa sinigang o minsang isang buwang nilagang karne, halos sambalde ang ibubuhos na tubig para dumami ang sabaw. Habang lumalaki't dumaram ang subo ng mga bata, dadalang at liliit ang subo ng kanyang ama't ina. Siya naman ay napapagaya na sa kanila.

Ang ganoong tagpo ay kanyang pinaghihimagsikan. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan niya ang kanyang mga kapatid na palihim na waring nagsusukat ng mga damit na mahuhusay na pinaglalaba't ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik Kung natapos na sa pag-iigib ang kanyang ama't napapansin niyang dumarami ang kulubot sa noong kanyang ama, kung nakikita niya itong pasan-pasan ang pinggat dalawang balde na animo'y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala nang katapusan.

Noong gabing iyon, nagkasagutan sila ng kanyang ama. Nakaupo si Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mahabang hagdan. Nakatingin siya sa duluhang bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim ng gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran niya.

"Gayon rin lamang," mungkahi ng kanyang ama sa malumanay na boses, at subukin mong maghanapbuhay, subukin mong mag-igib."

May idurugtong pa sana ang kanyang ama. Ngunit hindi na nakapagpigil si Narsing. Malakas at pasinghal ang kanyang sagot.

"Ano ba naman kayo! Agwador na kayo, gusto n'yo pa ako maging agwador!"

Napatigagal ang kanyang ama. Ang kanyang ina'y napatakbo at tanong nang tanong kung bakit at ano ang nangyari.

Minura siya ng kanyang ama. "Bakit? wika nitong pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig, "ano ang masama sa pag-aagwador? Diyan ko kayo binubuhay!"

Nakatayo na sana si Narsing. Ngunit sinundan siya ng kanyang ama't buong lakas na hinatak at inundayan ng sampal. Parang natuklap ang mukha ni Narsing. Itinaas niya ang isa niyang kamay upang sanggahin ang isa pang sampal. Nakita niyang parang nagliliyab ang mga mata ng kanyang ama.

Sumigaw ang kanyang ina. May kasama itong iyak. Yakap siyang mahigpit ng kanyang ina. Huwag daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata'y umiiyak at humahagulgol na parang maliit na hayop.

Lumayo ang kanyang ama't iniunat ang katawan sa isang tabi ng dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin ang kanyang sinasabi.

"Nag-aral ka pa naman, sayang. Oy, kung me gusto kang gawin, sige. Di kita pinipigil. Darating din ang araw na mararanasan mo rin... Mararanasan mo rin."

Kung ano-anong balita ang kumalat sa Tibag. Kung umiigib si Narsing ng tubig para sa kanilang bahay ay hindi na siya pinapansin ni binabati ng dati. Ganoon dinang kanyang ama. Waring nahihiyang magtanong-tanong ang mga tao, ngunit hindi nahihiyang sa kani-kanilang sarili'y magpalitan ng tsismis at mali-maling palagay.

Isang Linggo, pagkatapos ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang Tandang Owenyo ay nadisgrasya sa balon. Napadulas ito at mabuti na lang at sa labas ng balon nahulog. Kung hindi raw, patay. Ang dibdib ng matanda ang pumalo sa mga nakatayong balde at ito'y napilayan. Nabali naman ang isa niyang siko. Sabi ng marami ay nahilo ang matanda; nawala sa isip niya ang ginagawa. Nilagnat pa si Tandang Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na manghihilot sa taga-ibayo. Nakikiigib ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa iba. Kailan daw ba iigib uli ang matanda. Walang malay gawin ang ina ni Narsing. Ang kanilang dati nang malaking utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong lumaki sa pagkakasakit ng matandang
agwador.

Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa bahay, may naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit daw hindi pa siya sumalok. Sayang daw kung ang kinikita ng amang niya'y sa iba mapunta. Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi niyon. lyon, sa palagay na ni Narsing ay patotoo na paniwalang siya ang talagang magmamana ng gawaing ivon ng kanyang ama.

Kinabukasan, hindi nangyari ang inaasahan ni Narsing na mangyari. Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan. Nalapnos ang kanyang balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa pag-aakyat sa mga hagdang matatarik, Sa pagsalin at pagbuhat ng tubig. Siya na ang umiigib.


Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hihigang sahig. Nakikita niya ang malalayong bituin, naririnig
niya ng huni ng mga mumunting hayop, at ang alatiit ng mga kawayang itulak-kabigin ng hangin. Sa malayo'y may asong kumakahol na parang nakakita ng aswango ano. Hindi siya makatulog. Marami siyang iniisip. Naaalala niya nong siya'y nasa hayskul. Bago siya naidlip, sa guniguni niya'y nakita niya ang kanyang sariling kamukha ng kanyang amang animo'y isang Kristong pasan- pasan ang pingga't dalawang baldeng mabigat. Naisipan din niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo'y hindi kanila't inuupahan na lamang.

Maaga pa'y bumaba na ng bahay si Narsing at siya'y muling umigib. Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal siya't parang hindi niya kayang ituwid ang kanyang mga tuhod.

Noong dakong hapon naghihintay si Narsing ng kanyang turno sa balon. Nagbibiruan ang mga dalaga't kabinataan sa pag-iigib sa balon. May tumatawang nagsabing binyagan ang kanilang bagong agwador. 

"Binyagan si Narsing!" sigaw ng mga nasa paligid ng balon, at may nangahas na nagsaboy ng tubig.



Copyright © 2020
All Rights Reserved



This post first appeared on Poetika At Literatura, please read the originial post: here

Share the post

Kinagisnang Balon

×

Subscribe to Poetika At Literatura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×