Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Impong Sela


ni: Epifanio G. Matute

“Fresh” portrayal of Genaro Gojo Cruz’s "Dalawa Kami ni Lola" by Sophia Lorraine Demanawa

Noon ay buong kataimtimang minalas ni Impong Sela ang kanyang lalabing-animing taong apong lalaki sa pagkakahigang walang katinag-tinag. Sa ilalim ng maputing kumot, ang kanyang apong nakatihaya ay matuwid na matuwid na katulad ng isang bangkay, walang kakilus-kilos maaliban marahil, sa maminsan-minsang pagkibot ng mga labing nanunyo at halos kasimputla na ng isperma. Mayamaya’y marahang dinama ng kanyang palad ang noo ng nakahimlay na maysakit. Sa gayong pagkakadantay, ang nakahiga ay napakislot na animo’y biglang nagulat ngunit hindi rin nabalino sa pagkakahimbing.

“Maria Santisima!” ang nahihintakutang bulong ni Impong Sela sa kanyang sarili samantalang iniaangat ang kanyang kamay mula sa pagkakadantay sa noo ng apo.” Nagbalik na naman ang kanyang lagnat.”

Ang matanda’y nakaramdam ng isang biglang bugso ng lungkot sa kanyang dibdib. Ang lagnat ng bata ay nawala na, dalawang araw na ang nakaraan, salamat sa kanyang santong kalagyo, ngunit ngayo’y. . .

Mahal na Ina ng Awa!

Ito’y kanyang ikinababalisa. Nalalaman niyang ang lagnat na nagbalik ay lubhang mapanganib. Ano kaya kung ang kanyang apo, ang kanyang pinakamamahal na si Pepe’y. . . maawaing Langit!

Bakit, hindi ba siya ang maituturing na nagpalaki sa kanyang apong ito? Kauna-unahan niyang apong lalaki sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki, sa katauhan ni Pepe ay ibinuhos ni Impong Sela ang lahat na ng pagmamahal at pag-aaruga ng isang impo. Hindi halos nalalaman ng mga magulang nito kung paano siya lumaki. “Laki sa Nuno” ang tawag sa kanya. At tapat sa kasabihang iyon, si Pepe, lumaki sa layaw, sa malabis na pagpapalayaw.

Siya ang naging dahilan ng malimit na pagkakagalit ni Conrado at ni Impong Sela. May mga pagkakataong ang anak at ang ina ay nagkakapalitan ng maiinit na sagutan, ngunit kailanman, ay palaging ang matanda ang nagtatagumpay. Hindi niya mapapayagang masaling man lamang ng ama ang kanyang si Pepe.

At saka ngayo’y. . .

Si Impong Sela’y nagsimulang mag-isip nang malalim. Kailangang si Pepe’y maligtas sa kuko ng kamatayan. Sa kanyang pagkalito ay pumasok sa diwa ang gunita ng mga santo, panata, debosyon… A. . .!

“ Mahal na Hesus Nasareno!” ang kanyang marahang bulong kasabay ang pagtitirik ng mga mata, “Para Mo nang awa! Iligtas Mo po ang aking apo at magsisimba kami ng siyam na Biyernes sa Quiapo. Huwag Mo po siyang kunin.”

Natandaan pa niyang ang panata ring yaon ang nagligtas sa kanyang anak na ama ni Pepe nang ito’y pitong taon pa lamang. Kahit manawari ay ito rin ang magliligtas naman sa Kanyang apo!

Maya-maya’y, ang maysakit ay kumilos. Dahan-dahang idinilat niya ang kanyang mga matang wari ay nananaginip at saka tumingin-tingin sa kanyang paligid. Hindi naglaon at namataan niya ang kanyang impo sa kanyang tabi. Inilabas niya ang kanyang kamay sa kumot at saka iniabot ang kamay sa matanda.

“Lola.” ang mahinang tawag.

“Oy, ano iyon, iho?” ang tugon ni Impong Sela sabay pihit at yukod nang bahagya upang mapakinggan niyang mabuti ang sasabihin ni Pepe.

“Nagugutom ako.”

“Ikukuha kita ng gatas.”

Ang matanda ay nag-atubili. Gatas, sabaw ng karne, katas ng dalandan, tsaa, at wala na. Ang mga ito lamang ang maaaring ipakain sa kanya ayon sa bilin ng doktor.

“Ibig mo ng kaldo, anak?”

“Ayoko!”

“Katas ng dalandan?” Kangina lang umaga’y itinulak niya at natapon tuloy ang idinulot ng matanda. At si Pepe’y ayaw na ayaw ng tsaa, noon pa mang siya’y malakas.

“Lola, nagugutom ako!” Ang tinig ni Pepe’y may kahalo nang pagkainip.

“Sandali lang, iho,” sabay tindig ng matanda at lumabas ng silid.

Pagkaraan ng ilang sandali, Si Impong Sela’y nagbalik na taglay na sa kamay ang isang pinggan ng kaning sinabawan ng sinigang na karne , at isang kutsara.

“Eto, anak, ngunit huwag kang kakain nang marami, hane?”

Pagkakita sa pagkain, si Pepe’y nagpilit na makaupo ngunit pabagsak na napahigang muli sa unan. Ang matanda’y nagmamadaling lumapit sa apong nanghihina.

“Huwag kang pabigla-bigla, iho,” aniya, samantalang inaayos ang mga unan sa tabi ng dingding.”O, dito ka sumandal.”

Sa tulong ng kanyang lola, si Pepe’y nakasandal din sa unan. At siya’y sinimulan nang pakainin ni Impong Sela. Isang kutsara. Dalawang kutsara. Tatlo. Apat. Katulad ng isang hayok na hayok sa gutom ay halos sakmalin ni Pepe ang bawat subo ng kanyang lola.

“Nanay! Ano ang . . .?” Si Conrado’y patakbong pumasok sa silid at tinangkang agawin mula kay Impong Sela ang pinggan ng kanin ngunit huli na! Ang pinggan ay halos wala nang laman.

“Nanay! Wala ba kayong isip?” ang sa pagkabigla ay naibulas ni Conrado .

“Hindi ba ninyo nalalaman ang bilin ng doktor na…”

“Ow, bayaan mo ako!” ang madaling putol sa kanya ng matanda. “Nalalaman ko kung ano ang aking ginagawa. Paano lalakas ang bata kung papatayin ninyo sa gutom? Hindi siya mamamatay sa kaunting kanin. Bayaan mo siyang mamatay na nakapikit ang mata at huwag nakadilat. Totoooooy! Neneeeee!”

Ang dalawang maliliit na kapatid ni Pepe’y tumatakbong pumasok sa loob ng silid.

“Huwag kayong tatakbo! Hindi ba ninyo nalalamang may sakit ang inyong kapatid? O , kanin ninyo ito,” at idinulot ni Impong Sela sa mga bata ang natirang pagkain ni Pepe,” sayang kung itatapon itong grasya ng Diyos.”

“Huwag!” ang halos naisigaw ni Conrad. “Inay, hindi ba ninyo nalalamang si Pepe’y may tipus?”

“E, ano ngayon? Ang mga bata ay mahahawa, hindi ba?” anang matanda sa tinig na naghahamon. “Ang hirap sa inyo’y pinaniniwalaan ninyong lahat ang dala rito ng mga Amerikano. May ‘korobyo’ kuno ang sakit ni Pepe na siyang makakain ng mga bata. Tse! Bakit noong kapanahunan naming, walang paku-pakulo ng tubig, walang poso-artesyano, at nanggagaling lamang sa balon ang aming iniinom na kung minsan ay may liya pa. Tingnan mo ako. Gaano na ako katanda ngayon? Kung ang ‘korobyong’ iyang pinagsasasabi ninyo ay totoo, bakit hindi ako namatay? At kayong tubo sa panahong ito na masyadong delikado sa lahat ng bagay, ilan sa inyo ang umaabot sa edad namin? Kaululang lahat ang pinagsasasabi ninyo. Kung ibig ng Diyos na ikaw ay mamatay, ay mamamatay ka, magpagamot ka man sa isang libong doktor. Sa kanya ka umasa at huwag sa kalokohan. Kanin ninyo ito,” ang baling sa mga apo, “at huwag kayong parang tuod sa pagkakatayo!”

Si Totoy at si Nene ay nag-atubili at tinapunan ng tingin ang kanilang amang pagkatapos ng mahabang “sermon” ng kanilang lola ay walang nagawa kundi ang magsasawalang- kibo na lamang.

“Bakit, natatakot ba kayo?” ang tanong ni Impong Sela sa kanyang mga apo. Hinagisan pa man din ng isang irap ang kanyang anak, at saka hinugot ang tsinelas mula sa kanyang paa. Tignan natin kung sino ang masusunod sa bahay na ito!, Kanin ninyo ito, kung hindi’y…”

Nanginginig na sumunod ang mga bata, samantalang ang kanilang ama’y tumanaw na lamang sa labas ng durungawan.

Kinabukasan, si Pepe’y nahibang sa lagnat. Nagbalik ito sa isang matinding bugso na siyang hindi ikapalagay ng maysakit. Tila siya iniihaw, pabiling-biling sa hihigan, at nakalulunos kung humahalinghing. Sa mga mata ni Sinang na kanyang ina ay nalalarawan ang isang paghihirap ng kaloobang isang ina lamang ang maaaring makadama sa gayong mga sandali, samantalang minamalas niya ang kahambal-hambal na ayos ng kanyang anak. Naroon din si Impong Sela, ngunit walang kaimik-imik. Walang kakibu-kibo.

“Tinitiyak kong ito’y nakakain ng isang bagay na nakasama sa kanya. Hindi ninyo maramihil sinunod ang aking bilin,” anang manggagamot, sa kabila ng kanilang pagtatakip kay Impong Sela. “Masama ang kanyang lagay.”

Hindi nagkamali ang doktor. Sa loob ng sumunod na oras ay pabali-balikwas si Pepe sa kanyang hihigan at naghihiyaw ng kung anu-anong ikinakakagat ng labi ng mga nakamamalas. Ang mga luha ni Sinang ay tila walang-lagot na tanikala. Samantalang si Impong Sela’y bumubulong ng walang katapusang mga panalangin.

“Sinang,” ang marahang tawag ng lalaki sa kanyang asawa, “huwag kang umiyak. Ang mabuti kaya’y dalhin natin siya sa ospital.”

“Ospital?” ang biglang sabad ni Impong Sela sa gitna ng kanyang mga panalangin. “At nang siya’y pabayaang mamatay roon? Hindi! Huwag ninyong madala-dala si Pepe ka sa ospital. Kung kayo’y nagsasawa nang mag-alaga sa kanya ay bayaan ninyo kaming maglola.Maaalagaan ko rin siyang mag-isa. Mabuti ka nang ama! Noong ikaw ay maliit pa, sa tuwi kang magkakasakit , ako ang nagtitiyaga sa iyo at hindi kita inihihiwalay sa aking mga paningin. Kung ito’y hindi mo magagawa sa sarili mong anak ngayon, hayaan mo’t ako ang gagawa!”

“Ngunit, Nanay!” nasa tinig ni Conrado ang pagsusumamo at pagmamakaawa. “Ano ang ating magagawa rito? Kulang tayo sa mga kagamitan. Samantalang sa ospital. . .”

“Samantalang sa ospital,” kapag si Impong Sela’y nagsimulang manggagad, siya’y handang makipaglaban, “lalo na’t ikaw ay nasa walang bayad, ay titingnan ka lamang nila kung kailan nila ibig tingnan. Ano ang kwenta sa kanila ng isang may sakit na hindi naman nila kaanu-ano? Mamatay ka kung mamatay ano ang halaga sa kanila niyon? Tingnan mo ang nangyari kay Kumareng Paula, isang araw lamang sa ospital at. . . Ave Maria Purisima! Huwag ninyong gagalawin ang apo ko! Hindi maaari!”

Sa mukha ni Conrado ay biglang sumulak ang dugo! Ibig niyang humiyaw, ibig niyang maghimagsik, ibig niyang magtaklob na ang langit at lupa!

Ngunit mula sa kanyang nangangatal na mga labi ay walang namutawi kundi ang impit na “Diyos ko!!!” Sa gitna ng kanyang pagluha, ang mabait na si Sinang ay lumapit sa asawa at tinapunan iyon ng isang “hayaan- mo- na- ang- Nanay” na tingin. Kasabay ang isang malalim na buntung-hininga, si Conrado’y nalugmok sa isang likmuan. Ang salitaan ay napinid na.

Umagang-umaga kinabukasan, nagtaka na lamang sila’t natagpuan nila sa isang sulok si Impong Selang nananangis, umiiyak na nag-iisa. Siya’y hindi man lamang tinuluan ng luha nang si Pepe’y naghihirap at saka ngayon pang si Pepe’y matiwasay na, salamat sa suwerong tinusok sa kanya ng manggagamot ay saka. . .

“Bakit, Nanay?” ang namamanghang tanong ni Conrado.

“Naiisip-isip ko,” ang kanyang hikbi, “ ang anak na dalagita ni Juan ay kamamatay lamang noong isang lingo!”

“O, ay ano?” lalo namang namanghang tanong ng anak na hindi naiugpong ang pagkamatay ng anak ni Mang Juan sa mga luha ng kanyang ina.

“Si Rosita at si Pepe ay halos magkasinggulang,” ang paliwanag ni Impong Sela “at kapag ang isang dalaga ay namatay sa isang pook, sa pook ding yaon ay may susunod na binata.”

“Kaululan! Masyado kayong mapamahiin. Ano ang katuturan…?” si Conrdo ay kamuntik nang mapatawa sa kanyang ina.

“Iya’y totoo! Huwag mong pagtawanan ang matatandang pamahiin. Marami na akong nakita. Iya’y hindi nagkakabula.”

“Pawang nagkataon lamang ang nakita ninyo. Huwag ninyong guluhin ang isip ninyo sa kaululang iyan.”

“ Ang isa pa,” ang patuloy ng matandang hindi siya pinapansin, “kagabi, ang mga manok ay nagputakan. Nang ang nasira mong ama ay namatay ay ganyan din ang nangyari noong huling gabi bago siya pumanaw. Kaawa-awang Pepe kooo!”

At…

Kataka-taka o hindi kataka-taka, ang luha ni Impong Sela ay nagpatuloy ng pagdaloy hanggang ang mga luntiang damo sa ibabaw ng puntod ng pinakamamahal niyang apo ay halos isang dangkal na ang angat sa lupa.

 

Copyright © 2020
All Rights Reserved


This post first appeared on Poetika At Literatura, please read the originial post: here

Subscribe to Poetika At Literatura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×