ni: Jose P. Rizal
"Mindful Escapade. A Jose Rizal Painting" by Diana B. Santos
I
Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan,
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.
II
Masayang sa iyo'y Aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay aking ding handog.
III
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.
IV
Saan man mautas ay di kailangan,
sipres o laurel, lirio ma'y patungan;
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.
V
Ako'y mamamatay, ngayong namamalas
na sa silinganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
VI
Ang kulay na pula kung kinakailangan
na maititina sa Iyong liwayway
dugo ko'y isabog at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw
VII
Ang aking adhika sapul magkaisip
ng kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghalin, ka at minsan masilip
sa dagat Silangang hiyas na marikit.
VIII
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian,
gabahid man dungis niyong kahihiyan.
IX
Sa kabuhayan ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa,
at guminhawa ka ang hiyas ng diwa,
Pag hininga’y papanaw ngayong biglang-bigla
X
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
ako’y malugmok, at ikaw ay matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y masilong sa iyong kalangitan.
XI
Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyayaring itapat,
sa kaluluwa ko hatik ay igawad.
XII
At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong pag-aagdong-buhay,
at simoy ng iyong paggiliw na tunay.
XIII
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
XIV
Kung saka-sakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahi’t isang ibon,
doon ay bayaang humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.