Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Ang Kamalayang Muslim sa Sining ni Abdul Imao

ni: F. Licsi Espino Jr.

 

"Sarimanok" ni Abdul Imao

Nang muling napukaw ang interes ng tao sa sari-manok, isang napakagandang sangkap ng sining na Muslim, nagkaroon ng mainit na pagtatalo. Ano nga bang talaga ang sari-manok?

“Kopya lamang ng ibong garuda ng Indonesia,”anang isang estudyanteng Indones. “Bakit nagkakaganoon gayong ang sari-manok ay isang phoenix ng matandang Tsina.”, wika naman ng isang Tsino. “Talagang hindi tandang,” dagdag pa. “Paano nga magiging tandang ay isa itong ibong piskador,” wika naman ng isang kagawad ng pasulatang Daily Mirror at kanyang itinuro ang isa sa mga kuko ng sari-manok at isa pa sa pagitan ng tuka nito.

Napawi na ang usok ng pagtatalo at sumang-ayon na ang lahat na ang sari-manok ay hindi Tsino, hindi Indones, kundi katutubong sangkap ng sining ng Muslim. Ngayon naman ay isang dating eskulto, si Abdulmari Asia Imao, ang muling nagtanghal sa sari-manok sa isang makabagong paraan na naging tampulan ng papuri at paghanga ng lahat.

Sa isang semi-abstraktong paraan, muling nagsabog ng kulay ang sari-manok sa mga kuwadro ni Abdul Imao, muling pumagaspas, muling lumipad upang marating ang rurok ng sining ng pintura, at muling nagsilbing sagisag ng kalinangang Muslim.

Si Abdul Imao na rin ang nagkuwento sa amin ng isang makulay na alamat tungkol sa sari-manok. Noon daw unang panahon, may isang prinsipeng Maranaw na narahuyo sa balik-larawan ng isang prinsesa na nakita niya sa isang payapang sapa habang nagduruyan sa langit ang pilak na buwan. Nagdasal siya sa mga bathala upang mapasakanya ang prinsesa. Dininig naman ng bathala ang kanyang panalangin at isang araw, ang nakalilok na gintong tandang sa isang silid sa palasyon ay mahimalang nabuhay. Pinasakay siya ng tandang sa likod nito at sila’y pumaimbulog sa kalangitan. Ang prinsesa pala ay naghihintay na sa buwan. Kapwa umiibig sa isa’t isa, sila ay nakasal at nabuhay nang maligaya buhat noon. Salamat sa mahiwagang tandang o sari-manok.

Ang interes ni Abdul Imao sa sari-manok ay unang napukaw sa larangan ng paglilok. Napatanyag siya sa bilang eskultor ng paglilipat ng hugis ng piskador ng alamat sa kumikinang na tanso at kung minsa’y sa matigas na bronse.

Sa kanyang kahuli-hulihang one-man show sa Quad, hindi lamang sari-manok ang sinangkap ng pintor upang makapagdulot ng isang eksibisyong makulay at nakapagbibigay-aliw. Ginamit din niya ang motif na Muslim na tinatawag na okir o okkil. Ang okkil ay isang disenyong na dekorasyon na binubuo ng mga abstraktong hugihs ng dahon, baging, alon, bilog, buko, o bulaklak upang makalikha ng isang magandang kabuuan. Sa Sulu, ang okkil ay makikita samga sandata at kagamitan sa bahay ng mga Tausug, sa mga pananda sa libingan at banig ng mga Samal, at sa mga nililok na ornamento para sa bangka ng mga Badjao. Ginagamit din ang disenyong okkil ng ibang mga grupong Muslim gaya ng mga Maguindanao ng Cotabato, mga Yakan ng Basilan, at mga Jama Mapun ng Bagayan de Sulu kaya'y kilalang kilala ang palamuting ito sa buong Mindanao.

Ang dalawang disenyo ng sari-manok at okkil ay nagawa ni Abdul Imao sa pagsamahin, paglangkapon at pagternohin sa kanyang mga kuwadrong semi-abstrakto. Ang pag-iisang dibdib ng dalawang palamuti ay umaani ng papuri ngayon sa panig ng mga kritiko sa sining, bagay na ikinatutuwa ni Abdul na matapos matanyag sa paglilok ay natatanyag naman ngayon sa pagpipinta.

Nakabibighaning animo’y bahaghari ang kumbinasyon ng kulay ni Abdul Imao-mga matingkad na pula, asul-langit, maasim na dilaw, sariwang berde, pusikit na itim, at busilak na puti.

Pagkat semi-abstrakto ang estilo, makikitang malinaw na malinaw ang sari-manok na minsa'y nanunubok sa isang sulok na para bang isang tatyaw na nahihiya at kung minsan naman ay humahapon sa pagitan ng dalawang kurbang puting mangasul-ngasul, o kaya'y nagpapahinga sa loob ng isang bilog na naggagandahan ang kulay, kasama ng ibon ng alamat na kawili-wiling tingnan at tititigan upang makuha ang diwang napapaloob doon.

Nabigyang-buhay ni Abdul Imao ang kambal na sangkap ng sining na Muslim sa isang makabagong paraan at isang kahanga-hangang estilo na wala ni kaunting bahid ng sining na kanluranin. Kaiba si Abdu Imao sa karamihan sapagkat hindi siya naharuyo sa kubismo, impresyonismo, fauvismo, at kung anu-ano pang kakuwanan ng mga pintor sa Kanluran.

Kanya-kanyang lamang ang estilong ginamit niya sa one-man show sa quad gallery-isang makabuluhang eksibisyong binansagan nila ng Sari-Okkil. Ito'y isang maganda at mahalagang paglalakbay sa dagat ng kamalayang Muslim, isang karagatang minsa'y payapang-payapa at kung minsan naman ay hinahagkis ng mga bagyo samantalang humahabagat ang poot ng kalikasan. Nakukuhang ilarawan ni ABdul ang sarisaring hugis, kulay, sagisag ng alma mora, ang maalamat na kaluluwa na Kamorohan.

Wala pang nakagagawa nito kundi si Abdul Imao-nag-iisa siya sa larangang ito, isang Tausug na sumakay sa magandang binta ng sining upang makarating sa dalampasigan ng tunay na sining.

Karamihan sa mga obra ni Abdul Imao ay nasa mga pribadong koleksyon ngunit marami-rami rin ang nasa Pambansang Museo, sa Aga Khan Museum ng Mindanao State University, at sa Museo ng Ateneo sa Loyola Heights. Ang mga connoisseur na bumibili ng kanyang mga likhang-sining ay di lamang mga kapwa Pilipino kundi mga turistang galing sa iba't ibang bansa kung kaya'y masasabi nating malayo na ang narating ng pintor na ito na hindi lamang pintor at eskultor kundi retratistaat manunulat pa rin.

Bilang isang retratista, si Abdul Imao ay nakalikha na ng mga larawang-kamera na kawili-wiling pagmasdan dahil sa sining na napapaloob sa mga ito. Bilang isang kuwentista at peryodista, nakasulat na siya ng maraming artikulo tungkol sa mga tribung Samal, Tausug, at Badjao at ang kanyang kuwentong pambatang “Anak-Datu”, ay isa sa nagtamo ng gantimpala sa Timpalak Pamana. Noong 1968 naman, napili siyang isa mga Ten Outstanding Young Men (TOYM) sa larangan ng sining at kultura, ang kauna-unahang Muslim na binigyan ng ganitong karangalan.

Isang Tausug, si Abdul Imao ay ipinanganak sa Jolo, Sulu, noong 1936. Nag-aral siya ng pintura sa Pamantasan ng Pilipinas at nagtapos noong 1959. Nag-aral din siya sa Unibersidad ng Kansas noong 1961 na sinundan ng pagsusunog ng natitira pang kilay sa Rode Island School of Design noong 1962. Sa halip nam aging kanluranin ang pananaw dahil sa pagkakapag-aral sa Estados Unidos, lalong tumingkad at tumimyas ang kulay-Muslim ng kanyang bisyong artistiko, isang bisyong kahit noong una ay hindi naging mailap, bagkus sumasakamay niya sa isang paraang hindi pinaghirapan.

Dahil dito, walang makikitang dugo, pawis at luha sa kanyang mga kuwadro-naroon ang isang fasilidad na bunga ng isang tunay na makahenyong sensibilidad, magaan ang istilo kahit na masalimuot ang pinapaksa, kawili-wiling pagmasdan dahil sa magagandang kumbinasyon ng mga kulay, at tunay na makabuluhan pagkat isang naiibang sining na kumakatawan sa mga kalungkutan, lugod at ligaya ng isang liping may maipagmamalaking kalinangan bago pa dumating dito ang Espanyol. Masasabi tuloy natin na ang puso ng Islam ay marahang tumitibok sa likhang-sining ng pintor na ito-isang pusong batbat ng sarisaring damdamin, isang puso at isang pananaw na may mga ugat sa mga turo ni Mohammad, ang tanging propeta ni Allah.

 



Copyright © 2020

All Rights Reserved



This post first appeared on Poetika At Literatura, please read the originial post: here

Share the post

Ang Kamalayang Muslim sa Sining ni Abdul Imao

×

Subscribe to Poetika At Literatura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×