Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Alimuom sa Binongtu-an



Nagngangalit ang ugat sa bisig ni Nilo habang gumagaod sa bangkang walang katig. Kagaya ng unti unti pagngangalit nang dumidilim nang paligid sa banta ng pagbuhos ng malakas na ulan gumuguhit ang makipot niyang Bangka sa malapad na ilog ng Binongtu-an ang kinalakihan niyang ilog at siyang bumuhay sa kanilang pamilya at sa ibang pamilyang nakapaligid dito. 

Sumasalpok ang ilang pulgadang alon sa bibig ng Bangka dala ng pag ihip ng hangin parang nananadyang subukin ang kanyang lakas sa pag gaod at pagmamadaling makarating sa paroroonan. Nagsimula nang umambon, masinsin ngunit maliliit na patak. 

Humahapay Ang Mga punong niyog sa paligid.


***


“tay,pwede Naman po kayong makipag usap ng mahinahon sa kanila bakit kailangan pang habulin nyo ng taga ang mga tauhan ng JDC?…”

Tiningnan lamang si Nilo ng ama niyang namumula sa tatlong basong tuba na tinungga nito, sabay dura sa lupa at pahid ng laway sa kamiseta.

“wala kang alam Nilo. Hanggang ngayon Hindi mo pa rin nakikita ang kahalagahan ng ginagawa ko sa pamilya natin”

Katahimikan…


***


Sumasabay sa patak ng ambon ang pag agos ng luha sa mga mata ni Nilo, nahihilam ang mga matang nagngangalit ang mga bagang. Tanaw na niya mula sa malayo ang kimpal ng maitim na usok na lalong naging tila mabangis sa pakikipaglaban nito sa patak ng ulan. Alam niya kung saan nanggagaling ang sunog. 

Sa di kalayuan ay nauulinigan na niya ang sirena ng bumbero maging ang mga hiyawan at tilian. Simbigat ng adobe ang gaod niya, bawat sagwan at tumatarak sa katauhan niya tilamsik ng pagsisisi at galit.


***


Gumuguhit ang kulay pulang baga ng sigarilyo ni Nilo sa dilim ng gabi sa kanyang pagtunghay sa kawayang balkonahe matapos ang hapunan. Kasabay ang isang hinugot na buntong hininga ang pagbuga ng maputing usok.

“bakit hindi mo minsan dalawin si tatay? Wala ka namang pasok sa sabado puntahan mo kaya?”

“ano ka ba Melba? Araw na lang ang inaantay natin at manganganak ka na gusto mo pa umalis ako?”

“ito naman akala mo napaka layo ng pupuntahan sa Catubig lang si tatay a. ayos lang ako dito hindi pa naman siguro ako manganganak. sa sabado puntahan mo sya.”

“ang tigas ng ulo kasi ng matandang yun, ayaw na lang ibenta kasi, e aanhin pa ba nya ang lupa? Wala na si nanay ako may trabaho naman. pag nagkataon ako pag-iinitan ni Mr. Chua sa pabrika lalo na pag nalamang mag-ama kami.”


***


“Nilooooo! Niloooo!”

“Ang tatay mo, dali puntahan mo!”

Pabalibag na binuksan ng naalimpungatang lalaki ang pintong kawayan. Inaapuhap pa ni Nilo sa kanyang hinagap kung panaginip pa ba ito o totoong pangyayari, subalit ang makapal na kimpal ng usok sa gawing unahan ng Binongtu-an ang mistulang tubig na malamig na bumuhos sa katauhan niya. 

Nasusunog ang lugar ng tatay nya posibleng damay ang bahay nito dahil iilan lang naman ang nakatirik na bahay doon matapos bilhin ng korporasyon ni Mr. Chua ang karamihan sa pag-aari ng mga taga Binongtu-an upang gawing pabrika gaya ng pinapasukan niya ngayon.

Padausdos siyang bumaba ng kawayang hagdan, ni hindi nakuhang magpaalam kay Melba. Dampot ang pang-itaas na damit, isinampay sa balikat at humangos ng takbo si Nilo papuntang Bangka sabay hablot sa gaod at tadyak sa pampang.

Napadungaw si Melba sa kaguluhang gumising sa kanya, tanaw ang asawang nagmamadali sa pampang, kumakabog ng todo ang dibdib ng babae habang nakatunghay sa balkonahe hawak ang dibdib at namumula.
Hindi niya napansing umaagos ng unti-unti ang dugo mula sa hita nya.


***


Nagngangalit ang buong katauhan ni Nilo, ulos ang bawat gaod, tumtutusok sa tubig, tumitilamsik ang bawat sagwan habang sa di kalayuan ay naghahalo ang pitada ng bumbero at tunog ng kampana ng simbahan.

Pumupulas ang buga ng maitim na usok hindi lamang iisang lugar ang pinaggagalingan nito--kalat ang apoy. Ang panaka-nakang ambon ay tila dura lamang sa mukha ng nagngangalit halimaw.

Bumuhos na ang malakas na ulan. Wala na ang apoy. Wala na rin ang malakas na usok, wala nang palahaw.
Nakaluhod si Nilo sa pampang ng ilog walang imik. Payapa muli ang tubig, malakas ang agos ngunit amoy alimuom ang buong Binongtu-an.





This post first appeared on Karikatuura, please read the originial post: here

Share the post

Alimuom sa Binongtu-an

×

Subscribe to Karikatuura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×