Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Kumot

Sarap na sarap sa paglamon at pag ngasab ang ga-higanteng apoy sa kahabaan ng mga kalye at entresuwelo ng Baranggay Bagong Pag-asa. Ang buong madaling araw na kanina lamang ay payapa, ngayo’y nabulabog ng mga palahaw na nakikipag tagisan ng lakas sa panaka-nakang pagsabog ng kung anong nadidilaan ng apoy.


Napakainit ng paligid, naglalagutukan Ang Mga kung anu-anong bagay na nginunguya ng apoy. Mistulang duguan ang paligid sa pula ng nagngangalit na mga ngipin ng halimaw, ngumangasab, dumidila, ngumangata, lumulunok---humahalakhak. Parang mga dagang kanal ang mga residente, mga naalimpungatan sa mahimbing na pagkakatulog, naglalakad ang iba—hindi tumatakbo, tila ba tulala sa nangyayari. Umiiyak ang mga batang nawalay sa magulang at mga magulang na nawalay sa anak.


Kalat ang mga gamit, TV, ref, damit, tsinelas, DVD, mga papeles…akala mo’y mga mumo sa hapag kainan ng isang masiba. May mga naglakas loob na dumampot ng timba at nagtangkang sumalok ng kapurit na tubig—nagtulong-tulong. Ngunit nagmistula lamang itong dura sa mukha ng humahalakhak at lumiliyab na halimaw.


Ilang sandali lang, bago pa man sumikat ang araw ay uling at abo na ito. Sa isang pangyayaring tulad ng sunog na ito, hindi halata ang dugo, hindi kayang umigpaw ng pulang likido sa pwersa at itim ng uling at abo.


Nilapa ng apoy ang buong Baranggay bagong Pag-asa…


***


“Tres-Beinte-syete!”


“ay putang-ina! Antagal kong inaalagaan ang numerong yan a, kung kelan ako hindi tumaya tsaka lumabas!”


Maaga ang bolahan sa entresuwelong di magkamayaw ang mga aso, daga at pusa sa pag-uunahan sa pagbungkal ng basura. Habang sa tabi nila ay ang mga gigiray-giray na mga barung-barong kung saan nakatalungko ang mga nanay at anak na babae na abalang-abala sa paghihingutuhan.


Sa Pondahan na paboritong umpukan ng mga tsismosa at tsismoso, na mga lalaking naglalakihan ang tiyan sa kaiinom ng alak, ng mga lolang tumanda sa pakikialam ng buhay ng may buhay at sa pangunahing taliba ng Huweteng. Dito nag-uumpisa aang umaga at natatapos ang maghapon ng marami sa nakatira sa Baranggay Bagong Pag-asa.


Mabaho at masikip, maputik at malangaw. Ito ang paraiso sa isang siyam na taong gulang na si Buboy, isang batang payat at mukhang mas matanda kaysa edad nya.


***


Hindi madalas napagkikita sa labas ng bahay si Buboy, di gaya ng mga kaedad niyang sina Jong at Bebay. Kaya madalas tinutukso sya ng mga ito kapag minsang nasumpungan siya na bumibili ng instant noodles sa tindahan ni aling Juliana. Hindi lang sina Jong at Bebay ang nakakapansin sa hindi paglabas ni Buboy nitong mga nakaraang buwan. Maging ang mga tambay sa pondahan ay napuna din ito. Hindi dahil nag-aalala sila sa bata kundi dahil sa “tungkulin” na nila ang pumuna sa bawat galaw ng sulok ng buhay-buhay ng mga tao dito—at walang pinaliligtas ang mata nila maging ang bata.


“nay, eto na po’ng noodles, kain ka na…mainit yan para di ka na ginawin…”


Walang kibo ang maghapon sa walang imik na ina ni Buboy. Kinariringgan lamang ito ng tinig kung dumadalit ang pag-ubo at tumatahip ang habol-hininga nitong ungol. Walang swerteng maidulot ang paghigop ng “lucky me” na nilunod sa kumukulong isang tabong tubig sa taong nilustay ang baga sa pagdahak ng dugo at plema.


“putang-ina yang ama mo…wala man lang pasabi kung nasaan na siya—kung patay na ba siya o buhay pa, basta na lang naglaho!”


Sa pagitan ng hingal, mura at higop ng instant noodles lamang laging nahihilam ang mata ng ina ni Buboy. Dahil siguro sa init at usok ng kumukulong sabaw kaya ito naluluha o dahil sa paulit-ulit na litanya ng buhay niya na naibubulalas niya lamang sa tuwing magtatangka siyang humigop ng sabaw.


Wala pa ring kibo ang bata. Nakapinid lagi ang bibig. Ngunit hindi ang isip. Kapag tulog ang ina, madalas itong nasa isang sulok lang at nakatalungko, nag-iisip ng malalim. madilim ang bawat sulok ng bahay na ang tanging aninag lamang ay ang pagsingit ng sikat ng araw sa butas ng dingding. May mga panaka-nakang nagmamadaling kilos ang malalaking daga na natutuhan nang makipamuhay kasama ng mag-ina at ipis sa naninimot ng latak sa mangkok ng noodles.


Nababasag lamang ang nakabibinging katahimikang ito kapag dumadaing na ang ina ni Buboy, nagmumura sa sakit na nadarama habang sasabayan ng hilahol na ubo—matagal, matigas, masakit na ubo. Dito lamang natitinag si Buboy para idulog ang isang tabo sa ilalim ng gigiray-giray at nanlilimahid na kama. Pansalo sa idinadahak na dugo at plema.


Ayaw pahaplos ng ina ni Buboy sa likod habang umuubo at dumadahak, masakit kasing haplusin ang likod niyang butuhan na tinutubuan ng mga nana at sugat sa matagal na pagkakahiga.


***


Mag-aalas tres na ng madaling araw, gising pa si Buboy. Naroon pa rin at nakatalungko sa sulok. Umuungol ang ina. May naglalakad sa kalye…pauwi na ang mga puta, kumita na…


“madalas may mga lalaking umaakyat sa bahay…di ko kilala, basta mga ganitong oras yun. Akala nga ni nanay tulog na ako…”


Tumayo ang bata, pinagmasdan ang inang kanina pa umuungol at habol ang hininga, nanginginig sa ginaw…inabot niya ang kumot na nalilis sa binti ng ina, ibinalik ito at ikinumot hangang balikat.


“basta pagkapasok nila sa bahay diretso sila sa kama ni nanay, tapos hihilahin yung kurtina…”


Bumaba sa maliit na kusina si Buboy, nagsindi ng kalan, nagsalang ng tubig…may hinahanap…


“minsan, sinilip ko sila, tinadyakan ako ni nanay—matulog na daw ako. Di naman ako makatulog ‘nun, kasi ang ingay-ingay nila…ungol ng ungol…”


Tangan-tangan niya ang isang bote ng kerosene, kalahati ang laman nito ginamit na niya kasi kanina sa pagpapakulo ng tubig sa noodles.


“anak, bili ka ng pandesal, may pera na tayo…may almusal na tayo…”


Bumalik si Buboy sa kwarto ng ina, dinadalit pa rin ng matinding ubo. Agos ang luha sa pisngi ni Buboy habang ibinubuhos ang laman ng kalahating boteng kerosene sa higaan ng ina.


“yehey! Makakakain na din ako!”


Ilang sandali pa kumukulo na ang tubig, ngunit walang instant noodles…Ilang sandali pa lumiliwanag na ang paligid…ilang sandali pa at lumiwanag na ang buong Baranggay Bagong Pag-asa…


“hindi na giginawin si nanay, hindi na niya kailangan ng kumot…”






This post first appeared on Karikatuura, please read the originial post: here

Share the post

Kumot

×

Subscribe to Karikatuura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×