Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Panaginip...


Isang malamig na gabi, ako'y nag-iisa. Tumingala sa langit at aking nasilayan ang isang bituin.  Ang tanging bituin na nagliliwanag sa malawak at madilim na kalangitan.  Ipinikit ko ang aking mga mata at bumulong ng isang hiling.  Sa aking pagmulat, natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nasa isang dalampasigan. Umaga na pala. Nagsimula akong maglakad, pinakiramdaman ang malambot na buhangin sa aking mga paa.  Binigyang-buhay ng bukang liwayway ang aking puso't diwa.  Sa aking paglalakad, nakakita ako ng isang maliit na bato. Nang ito'y aking pulutin, bigla ko na lamang nakita ang aking sarili na nasa isang kakahuyan na.   Mahaba-habang oras na rin ang aking iginugol sa paglalakad.  Pagal, uhaw at naliligaw.  Pakiramdam ko, ako'y nasa gitna ng kawalan.

Buti na lamang, may natagpuan akong isang batis.  Malinaw ang tubig na dumadaloy mula rito. Uminom ako. Nanumbalik muli ang aking lakas.  Nagpatuloy ako sa aking paglalakad.  Nakita ko ang maliwanang na bahagi ng kakahuyan.  Mga makukulay na bulaklak at paru-paro ang bumati sa akin.  Naririnig ko rin ang huni ng mga ibon na nakadapo sa sanga ng mga punong sumasayaw sa ihip ng hangin.  Isang napakagandang tagpo.  Muli akong sumilay sa kalangitan at sa aking paglingon ay nakabalik na pala ako sa may dalampasigan.

Nang biglang may tumawag sa aking pangalan. Nagpalinga-linga, ngunit wala akong nakita.  Tinig iyon ng isang babae, napakalambing at malumanay.  Sinabi nyang kasa-kasama ko siya sa lahat ng lugar na aking pinanggalingan.  Batid nyang ako'y naligaw ng landas at naging saksi habang aking pinagmamasdan ang magagandang nilikha.  Pinagkatiwalaan ko siya.  Itinuring ko siyang espesyal.  Tila ba alam niya ang aking buong pagkatao.  Dama niya kung ano ang aking nadarama.

Maraming araw pa ang lumipas ngunit di ko na maramdaman ang kanyang presensya.  Marami nang mga pagbabago.  Muli kong binalikan ang mga lugar na aking napuntahan sa pag-asang makikita ko siya roon.  Nakita kong muli ang batis ngunit ito'y tuyot na.  Lanta na ang dating naggagandahan at makukulay na mga bulaklak.  Binalot na ng kalungkutan ang buong kapaligiran.  Noong araw di'ng iyon, umasa akong makita si haring araw, ngunit napakaulap ng kalangitan.  Hindi ko rin nasilayan ang tanging bituin na aking tinitingala tuwing gabi.

Umasa akong marinig muli ang kanyang tinig.  Napakatagal na rin ng huli ko iyong narinig.  Pakiramdam ko'y lumisan na siya.  Napakalaki na ng ipinagbago ng aking buhay buhat nang siya'y mawala.  Ako'y naghintay nang naghintay.  Pinagmasdan kong muli ang buhangin sa dalampasigan at may nakita akong mga yapak.  Naisip kong "Nandito lamang siya.  Nagtungo siya dito."  Akala ko'y makikita ko na rin siya sa wakas.  Ako'y nagpalinga-linga at pilit ko siyang hinanap.  Subalit hindi ko na siya natagpuan pa.  Umihip ang simoy ng hangin at muli kong naramdaman ang kanyang presensya... ngunit iyo'y panandalian lamang at muling nagpaalam...

---------------------
Ang munting paskil na ito ay aking espesyal na handog para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.


This post first appeared on Fiel-kun's Thoughts, please read the originial post: here

Share the post

Panaginip...

×

Subscribe to Fiel-kun's Thoughts

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×