Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Sementeryo ng mga Buhay

Nalathala sa FUDGE magazine June-July 2009 issue


Nagmamadali Ang Mga hakbang ng isang anino mula sa dilim ng gabi. Sa mga gabing nagtatago ang buwan sa kalangitan na tulad nito--sinasamantala ng mga kaluluwang ayaw matulog sa gitna ng nahihimbing na dilim, hindi dahil sa ayaw dalawin ng antok, kundi dahil sa tawag ng matinding pangangailangan.

Sa gitna ng kalunsuran, sa laot ng kaguluhan, sa ingay at maruming usok nito, natatanging ang lugar lamang na ito ang nananatiling tahimik: ang sementeryo. Ngunit sa kasagsagan ng mahimbing na pagtulog ng syudad isang pares ng mga paa sa abuhin at maalikabok nitong paghakbang ay nagmamadaling nagpapasikot-sikot sa bawat nitsong madaanan. Akyat, talon, singit sa mga siwang at hawi sa mga talahib . Sinisiguro ng may-ari ng mga paang ito na wala ni kaluskos man lang siyang malilikha sa pagtahak sa nakabibinging katahimikan sa gitna ng mga nahihimlay nang mga patay.

Kandila lang ang tangan ni Lando, dalawa; sapat na ito upang magbigay liwanag sa kanyang balakin. Saglit muna siyang huminto sa harap ng isang nitso sa sulok ng sementeryo. Nalalambungan ito ng isang malabay na puno kung kaya't ang kakaunting liwanag na nagmumula sa maulap na kalangitan ay hindi makasingit upang sumilay. Tamang-tama para sa kanyang hangarin sa gabing iyon. Saglit na huminga ng malalim ang lalaki, waring umuusal ng dalangin habang itinutulos ang kandilang tangan sa uluhan ng lapida, bagay na nagbigay anino sa ulong nakausli at nakaukit sa gitna ng krus na bato sa unahan ng nitso.

Alam ng lalaki ang dapat Niyang gawin, ang kilos niya'y nagpapahiwatig ng kasanayan sa ganitong gawain--walang sinasayang na sandali. Tinungkab Niya ang nakausling siwang sa gilid ng maputing nitso, agad na bumigay ang mabuway na bato; kapag daka'y iniluwal nito ang isang butas. Mistulang butas ito ng kabulukan, isang butas na unti unting pinalalaki ng matiyagang pagkutkot patungo sa kailaliman na tanging ang naghuhukay lamang ang may alam kung saan hahantong at kung anong nilalaman sa dulo nito.

***

"Limampiso isa"

"pwede kayang madagdagan ng konti sir? Medyo mahirap kasi nagkakahigpitan ngayon e"

"aba, e kung ayaw mo sa presyo ko sa iba na lang ako lalapit"

"hindi ho sir, sige ako nang bahala-kelan nyo ba kailangan?"

"Sa makalawa sana kailangan na ng buyer ko e, pwede ba?"

"sige sir, may kaunti na rin akong naipon e, isasama ko na iyon-kailangan ko rin kasi manganganak ang misis ko..."

"o, basta ha wag kalimutang gumamit ng agua oxynada, para malinis"

"wala pong problema sir..."

***

May pailan-ilang kaluskos sa paligid, sa mga pagkakataong nakakalikha ng ingay ito, sabay ng tahulan ng mga aso--humihinto si Lando sa pagtutungkab ng nitso. Lumilinga-linga na waring nag-aabang ng may kikilos sa dakong pinanggalingan niya. Alam niyang kakampi Niya Ang gabi, itatago siya ng ihip ng hangin at maging ang buwan ay nakikisama sa pagtatago nito sa maitim na ulap.

Ilang saglit pa, kasya na ang dalawang kamay niya kung idudukwang sa nalikhang lagusan, hindi na kinakailangang palakihin pa ng husto ang butas. Lampas siko niya ang maliit na lagusan sa kanyang pagkapa sa kung anong nasa loob ng nitso. Waring may mga mata ang kamay na alam kung saan kakapahin ang hinahanap, ilang saglit pa inaayudahan na ng kaliwang kamay ang kanang kamay na siyang gumiya at kumapa sa kanyang dinudukot.

Magkatulong na iniahon ng nakadaop niyang mga palad ang isang bungo. Masangsang ang amoy nito sa iilang bulok na laman na nakadikit dito, maging ang mga lagas na buhok at bakas ng pinagkainan ng mga uod ay mababanaag sa pag-ahon nito mula sa maputing sementadong kahon na kinasasadlakan nito. Inilapag ni Lando ang ulo sa tabi ng nakasinding kandila, noo'y umaagos na ang mga tunaw na luha nito sa ilalim ng sementadong krus. Tanging ang mga rebultong santo at kerubin lamang ang saksi sa gitna ng dilim ng gabi sa panaka-nakang tahulan ng mga aso.

Tagaktak ang pawis ni Lando, sanay na siya sa gawaing ito ngunit sa pagkakataong ito kailangan niya ang pagmamadali, hindi siya gaanong pamilyar sa sikot ng sementeryong ito-hindi niya teritoryo ito. Ang pagtagal sa lugar na ito ang magkakanulo sa kanya sa kapahamakan. Mahigpit ang mga bantay sa sementeryong ito, dangan kasing sila din mismo ang tirador ng mga bungo dito, karibal sa negosyo at malamang sa hindi, makakatabi niya sa iisang kabaong ang nabubulok na kalansay na ito kapag nagkataon.

***

"pass na muna ako pare, medyo di ko na kaya e"

"tang ina ka Lando, kelan ka pa naging uhugin sa inuman? Pangatlong tagay pa lang ito a"

"hindot itong si Lando o, ang aga-aga pa e, takot ka ba sa misis mo?"

"gago! Tanginang ito, manganganak na ang misis ko, e ni pambayad sa Fabella wala pa ako buti sana kung pwedeng ipahugot na lang basta sa albularyo yung anak ko..."

"sige ‘pre, iyo na muna yung isang supot ko, marami-rami din yun ikaw na mag abot kay bossing"

"salamat ‘pre, pero kailangan madagdagan pa e, dyan na muna kayo didiskarte lang ako sa South"

"dre, ingat lang sa mga bugoy ha..."

***

Walang sinayang na sandali si Lando, isa-isa niyang pinitas ang mga ngipin ng bungo sa liwanang ng kandila. Mistulang pumipitas ng mga butil ng mais at masusing sinisipat ito sa liwanag na dulot ng natutunaw na kandila, palinga-linga, kinakabahan. Ang bawat pagpitas ng mga ngipin ay lumilikha ng marahan at malutong na tunog ng tila may kinakagat na isang malutong na pagkain. Kumakapit sa kamay niya ang ilang nalalabing bulok na laman, marahil sa gilagid, o sa dila, o kaya'y sa balat mismo ng nagmamay-ari ng bungo nanggaling. Hindi na kailangang sinuhin kung babae man o lalaki, matanda man o bata ang bungong ito--ang mahalaga, pagkakakitaan ito.

May mga yabag sa likod ng abalang si Lando, marahan at eksakto ang kilos. Ipinagkanulo siya ng kaunting liwanang na dulot ng natutunaw na kandila sa ibabaw ng nitso. Huli na ng malingunan niya ang dalawang aninong papalapit.

"putang-ina ka! Ikaw pala ang nagnanakaw ng mga ngipin ng mga patay dito!"

Sukol si lando, dangan kasing ang pinili niyang pagnakawang nitso ay sa sulok ng sementeryo nakapwesto. Nagtangka siyang tumakbo, ngunit isang matinding bigwas at hambalos ng tubo sa kanyang tuhod ang nagpabagsak sa kanya, tumama ang kanyang ulo sa kanto ng isang nitso-sabay tapon ng isang dakot na ngipin sa kanina lamang ay nakakuyom sa kanyang mga palad.

***

"misis, matagal pa po yan, umuwi muna kayo wala pa pong 3 centimeters ang buka ng sipit-sipitan nyo e"

"hindi ba pwedeng dito na muna ako? Masakit na e di ko na kaya kung uuwi pa ako"

"wala ho kayong pupwestuhan dito, maraming nag-aantay na rin na manganganak, syempre uunahin po natin yung malapit nang manganak-marami ho kayo e."

"hindi ko na ata kaya pa maglakad e."

"asan ba'ng mister nyo? Wala ho ba kayong kasama?"

***

May araw na nang magkamalay si Lando, nakasubasob siya sa damuhan, dama niya ang sakit ng nagdurugong sintido sa pagkakabagok sa nitso, ngunit sadyang hindi niya maikilos ang mga kamay sa pagkakatali nito sa kanyang likuran. Nag-uusap sa di kalayuan ang dalawang lalaki na may sukbit na bilugang baril sa kanyang baywang. Gustuhin man niyang magmakaawa o humingi ng tulong sadyang walang mailabas na tinig ang bibig niyang may busal.

Isang sabunot sa buhok sa batok ang nagpatingala kay Lando sa nakasisilaw na araw ng umagang iyon. Kinaladkad siyang papalapit sa nitsong kani-kanina lamang ay siyang pinanggalingan ng bungo na pinitasan niya ng pang hanap-buhay. Tinatanggal ng isang lalaking payat ang busal niya sa bibig, habang ang isang mamang malaki ang tiyan naman ay nagbunot ng kanyang baril at sabay tutok sa mukha ni Lando.

"sige, kagatin mo ang kanto ng nitso, kagat!"

Nanlaki anag kanyang mga mata, hindi sigurado si lando sa kung anong ibig sabihin ng taong ito na kasalukuyang tumututok ng baril sa kanyang mukha.

Marahil, napansin ng lalaking payat ang pagtataka o pagkagitla sa mukha ni Lando kaya't isang mariing batok ang pinakawalan nito sa kanya.

"tang-ina mo, sabi nang kagat e"

Isunubasob nito ang ulo ni Lando sa kanto ng nitso, hinawakan ang mga panga niya at idinuldol sa kanto ng maputing nitso na noo'y umiinit na dahilan sa sikat ng araw. Nakatutok pa rin sa mukha niya ang baril. Nagsasanib ang dugo, pawis, luha at uhog kay Lando, alam niyang ilang saglit lamang ay kasama na siyang maililibing sa sementeryong ito at pagpipistahan ng mga uod. Nagsasalimbayan ang mga imahe sa utak niya, ang asawa niyang si Melba, ang panganay niyang namatay sa pulmonya sa Ospital ng Maynila, ang mga nag demolish ng bahay nila sa Tondo, ang Warden ng Muntinlupa na naging mabait sa kanya, ang nasaksak niyang Intsik na negosyante.

Umaagos ang laway niya sa katawan ng nitso, sa ilang sandaling pagkakabusangal ng kanyang bibig sa kanto nito. Ngawit man ang kanyang mga panga habang nakatali pa rin sa likod ang mga kamay ay wala siyang panahong magreklamo o indahin ang masakit na posisyong ito, lumilipad ang isip ni Lando sa kalawakan ng pangamba, ng takot at pagdedeliryo.

Halos magdeliryo sa sakit ang babae. Kagat-labi si Melba habang iika-ikang tinatahak ang makipot na daan patungo sa looban, sa mga pagkakataong mas kinakailangan niya ang presensya ng asawa—wala ito. Nanlalamig ang buo niyang katawan kahit tagaktak ang pawis niya…

Tagaktak ang pawis ni Lando, nilalamon ng di matingkalang pangamba ang buong katauhan niya. Nawala ang baril na nakatutok sa mukha niya, nasa likuran lamang niya ang dalawang lalaki, nauulinigan niya paanas na paghakbang ng mga ito sa damuhan, marahan ngunit mabigat. Ayaw niyang lumingon at bumitaw sa pagkaka kagat sa kanto ng nitso-alam niyang ikakagalit nila ito kung gagawin niya.

Ilang mga nagmamadaling trabahador na papasok sa pabrika ang nakakita sa kanyang hirap na kalagayan, ngunit sadyang wala itong panahon tumulong sa isang tulad niya. Isang mariing hilab pa at tuluyan nang bumulwak ang panubigan ni Melba. Napakunyapit siya at napasandal sa poste ng isang saradong pondahan, sa tabi ng basurahang umaapaw ang laman at tampulan ng mga asong-gala sa gabi. Magkahalong tubig at dugo sa kanyang hita. Isang mariin at masakit na hilab…

Isang mariing tadyak sa batok ni Lando ang pinakawalan ng lalaking malaki ang tiyan mula sa likuran. Sargo ang dugo sa tunog ng may nabaling buto, kalat ang mga ngiping putol habang si Lando ay nabuwal na kikisay-kisay at halos mawalan ng malay, duguan ang bibig.

Duguan ang kinatatayuan niya, tuluyan na siyang napaupo sa sakit na naramdaman, umiikot ang kanyang paningin. Sisinghap-singhap siyang pilit tumayo sa pag-aalala sa kasasapitan ng di pa man naisisilang na sanggol. Pagkakita sa daloy ng dugo sa kanyang hita at binti, agad na napabunghalit ng iyak si Melba—taranta, takot, pangamba, habang umaatungal siya na parang bata at pilit nangungunyapit sa kung anong bagay na maabot ng kamay niyang nanginginig sa takot, takot sa kamatayan…

"pasalamat ka hindi ka namin pinatay"

Wala ni ingit na narinig pagkatapos ng isang lagapak ng kumpol na laman sa tabi ng basurahan.

“tara tsip, iwan na natin yan dyan”

Walang kibo si Melba habang inaalalayan ng mga kagawad ng baranggay patungong Heatlh Center.

Walang kibo si Lando sa kanyang pagkakapikit habang nakanganga ang bibig at sa wasak na panga niyang nakukulapulan ng natuyong maiitim na kimpal ng dugo.

END



This post first appeared on Karikatuura, please read the originial post: here

Share the post

Sementeryo ng mga Buhay

×

Subscribe to Karikatuura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×