Get Even More Visitors To Your Blog, Upgrade To A Business Listing >>

Ang Pedopilya ng Barrio Sta. Monica




Nagtatahulan sa di kalayuan Ang Mga aso sa gitna nang maalinsangang gabi. May mga ilang aninong unti-unting gumagapang sa dilim ng paligid na tanging nasisinagan lamang ng liwanag ng buwan. Papalapit na ang kamatayan…


“take your position men, malaking subject ito at hindi dapat makawala…”


Dalawang lalaking payuko kung tumakbo ang pumuslit sa likuran ng lumang bahay, tatlo sa unahan habang ang nag-uutos ay nakamasid sa di kalayuan, matamang nagmamatyag. Lahat armado ng mahahabang bakal…

Lumalangitngit ang sahig na kahoy sa itaas ng lilimang baytang na hagdan dahil sa bigat ng hakbang ng nakayukong papalapit. Sumilip sa bintana ang nauna, sumenyas, pumusisyon. Humakbang ng maliliit na hakbang ang isang malapit sa pinto, tila handa sa anumang maaaring maganap habang iniumang ang bitbit na bakal. Ang isa’y nasa ibaba lamang ng hagdan, nagaantay.

Sa pamamagitan ng senyas ng dalawang daliri na nakaturo sa mata, naipahiwatig ng isang malapit sa bintana na namataan na Niya ang pakay, bagay na nagpaigting nang pagnanais ng mga kasama nito na isakatuparan na ang balakin. Sumilip muli..isang sigaw at impit na palahaw ng bata ang narinig, waring palahaw na pigil, palahaw ng nasasaktan.

Hindi na kailangan ng lider ng grupo ng senyas mula sa mga tao niya, sapat na ang pagibik ng munting tinig na iyon para sumugod siya at mauna pa sa mga tauhan niya. Isang tadyak sa pinto, tutok ng baril, sigawan, iyakan…

Lagabog mula sa likurang pinto, hangos ang dalawang armadong kalalakihan…


“putang ina kang demonyo ka, ikaw pala ang bumababoy sa mga kabataan dito, dapa! dapa sabi!”


Nagulantang ang lalaki, di alam ang gagawin na noo’y yakap-yakap pa ang isang batang babae na pilit nagpupumiglas sa malalaki Niyang braso. Sukol siya, walang susulingan. Nakamulagat ang mga luhaang mata, namumutla ang mukha, nakabuka ang bibig…may gustong sabihin ngunit mistulang nakalunok ito ng kung anong kinamualan nito at di makapag luwa ng salita.

Iniangat ng lalaking nakaluhod sa sahig ang kanyang baluktot na kaliwang kamay, may gustong sabihin, sumesenyas sa mga lalaking may nakaumang na baril, tyempo ito na napahiwalay bahagya sa kanya ang batang babaeng kanina pa nanginginig sa takot at iyak ng iyak—bagay na sinamantala ng mamang may baril sa likuran at hinablot ito tungo sa kaligtasan, itinakbo palabas ng bahay pumuslit sa likurang pintuan. Lalong nataranta ang lalaking baluktot ang kaliwang kamay, tumayo ito bigla tangkang hahabulin ang mga tumakas, sumisigaw ng di maintindihang litanya habang tumutulo ang laway nito sa pagpupumilit magsalita.

Isa…dalawa…tatlo…apat…lima…anim na putok, lahat tumama sa likuran ng lalaking baluktot ang kamay sa pagtatangka niyang humabol. Malakas ang loob, nagtangka pang tumakas, nagtangka pang tumakbo.


“Arturo Maniago, 39 anyos, o, may laman pang dalawang libo itong wallet nya o, may litrato pa ng bata—sino kaya ito?”

“Santos, clearing na tayo, hindot ka darating na ang SOCO wag mo nang pakialaman yan, sila na bahala dyan…”


Nagmamadaling ibinalik ng matabang lalaki ang wallet sa likurang bulsa ng pantalon ng noo’y duguang bangkay na nakahandusay sa sahig, habang may isinisilid siya sa kanyang bulsa na dalawang pirasong perang papel.

Maya-maya lang, eto na ang mga media at kinakapanayan si Kapitana at ang hepe ng operasyon lambat-bitag. Nagbibida sa agarang koordinasyon at sa matagumpay na sabwatan ng baranggay at lokal na pulisya…


***


Matagal na minamatyagan ni Mang Art ang kabuuan ng bahay na ito, matayog ang mga bakod ng kulay puting pader na natatanuran ng malalabay na halaman. Dito nya nakitang pumasok ang batang gusgusin na hila-hila ng isang matandang babae. Ilang araw na siyang dumadaan dito sa pag-asang matityempuhan niya ulit. Makailang ulit niyang nakikitang may ilang magagarang kotse na may lulang mga dayuhang puti ang naglalabas-pasok sa bahay na bato.

Tatambay lamang si Mang Art sa malapit na tindahan, hanggang abutin ng pagdilim at uuwing iika-ika sa kanyang inuupahang maliit na bahay.

Nag-iisa na lamang siya, dalawang taon na ang nakararaan nang mamatay ang asawa niya sa atake sa puso bunga ng labis na kalungkutan. Hindi man pinasuko ng matinding hinagpis sa sinapit ng asawa, unti-unti naman siyang iginugupo ng paglalasing hanggang sa atakihin ng stroke. Bagay na pumatay sa kalahati ng katawan niya, nagpabaluktot sa kaliwang kamay niya, nagpaika sa kanyang paglakad at nagpa bulol sa kanyang pagsasalita.


“hahanapin ko ang anak natin..”


ito lamang ang natatanging pangako na naiusal ni Mang Art sa harap ng bangkay ng kanyang asawa bago ito ilibing. Ang limang taong gulang nilang si Jennifer ay tatlong taon nang nawawala—isang malaking dahilan ng matinding kalungkutang bumabalot sa isang wasak nang pamilya.


***


“Flash report po tayo ngayon, dito sa mismong pinangyarihan ng raid---kapitana, paano nyo po natukoy na dito nagtatago ang suspek?”

“aba, e naitimbre sa akin ng kagawad ko…si kagawad Benny na itong bagong nagungupahan nga daw dito ay kakaiba ang kilos…”

“paanong pong kakaiba?”

“ala, e madalas nga daw gabi na kung umuwi at susuray-suray pa, tapos nito ngang kagabi lamang namatyagan nilang may karay-karay daw na batang babae at kinakaladkad pa daw papasok ng bahay…”

“ano pong nangyari?”

“aba’y nagsuplong na ako, di naman natin papayagan ang ganyan sa baranggay ko a, ang mga baboy dapat talagang kinakatay na…”


***


Tumatahip ang matinding kaba sa didbdib ni Mang Art, namumutla ang mga mukha nito habang sakay ng traysikel at tangan tangan niya sa kanyang mga braso ang batang nakalabas ng puting gate, natyempuhan niya, nagtiyaga siyang mag-abang, nagdasal siya…

Walang kibo ang bata, paminsan-minsa’y nililingon siya nito, pinagsisino, kinikilala, waring iiyak, ngunit madalas tulala ito.

Hangos magligpit ng gamit si Mang Art, wala siyang sasayangin na sandali. Gayunpaman, hindi niya kinalimutang maghain muna ng natitirang pagkain para sa bata, gusto niyang makakain muna ito bago sila tumakas papalayo.


“anak, na’aandaan mo’a ako?”

“a’ong ta’ay mo, anak ki’a…ma…’agal ka na’ng na’wawala…”


Nakatitig lamang ang bata sa kanya, blangko ang mga mukha.


***


“kilala nyo po ba yung bata, Kapitana?”

“aba’y balita ko ay isa sa mga ampon yan nung matandang intsik na negosyante dyan sa bahay na puti, yung pilantropo ba…”


***


Napaiyak si Mang Art di na siya kilala ng anak niya, namayat ito, ngunit hindi niya maipagkakailang ito si Jenny niya, ang mga bilugan at nangungusap nitong mga mata. Niyakap niya ito…niyakap ng mahigpit…niyakap ng buong pagmamahal…

Nagulat si Mang Art, gumagapang ang maliit na kamay ng bata sa harapan niya, sa kaselanan niya, hinihipuan siya. Saglit na lumuwag sa pagkakayakap ang lalaki, nagkaroon ng pagkakataon ang bata na gamitin ang isa pang kamay upang magtangkang buksan ang zipper niya. Dinudukot ang harapan niya habang nakatitig ito sa mukha niyang wala ni anumang emosyon.

Gulat na gulat si Mang Art, hindi niya alam kung ano ang iisipin, kung ano ang gagawin. Mukha at katawan man ito ng kanyang nawawalang anak, ngunit iba na ang espiritung nananahan dito.

“anong gi’awa nila s’yo anak…?

Pinalis niya ang mumunting mga kamay na humuhipo sa kanya, bagay na nagpagitla sa bata, waring nasaktan, natakot…humikbi…umiyak…

Mistulang sinakluban ng langit at lupa ang katauhan ni Mang Art, sa bulol-bulol niyang tinig at sa buhol-buhol niyang isipan, pilit niyang inaarok ang pinsalang dulot ng panahon sa anak niyang nasa harapan niya ngayon.

Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na isang masamang panaginip lamang ang lahat. Sa baluktot at nanginginig niyang kaliwang kamay, hinawakan niya ang balikat ng bata, nais niyang mayakap ito muli at sabihing ligtas na ito sa kababuyan ng mundo…

ngunit takot na ang bata at nagsimula nang umiyak, pumalahaw…

Dinig sa labas ng mga armadong nagmamasid ang iyak ng bata…

“anak…a’o ang ta’ay mo, ma’agal kang nawala…di mo na ba a’o naa’andaan?”


May dumungaw bahagya sa bintana…

may kumaluskos sa likurang pinto…

may humimpil na mga sasakyang malalaki sa di kalayuan…

“aaa..nak, ako ‘to…”

May sumenyas…

may ngumisi…

may yumuko…

may nagtago…

“aalis na ayo di’o anak, lal’ayo na ‘ayo, ‘yun ma’layo…”

may sunod-sunod na pumutok…



This post first appeared on Karikatuura, please read the originial post: here

Share the post

Ang Pedopilya ng Barrio Sta. Monica

×

Subscribe to Karikatuura

Get updates delivered right to your inbox!

Thank you for your subscription

×